Iba talaga ang pagbabalik ng aktor na si Gabby Concepcion. Very rare for an actor na pagkatapos ng halos 13 taong pagkawala sa showbiz at sa bansa mismo, sobrang init pa rin ang pagtanggap sa kanya ng publiko at patuloy ang pagdating ng mga oportunidad.
Bukod sa kanyang kauna-unahang soap opera na Iisa Pa Lamang ng ABS-CBN at ang kanyang mga gagawing pelikula para sa GMA Films at Star Cinema, napag-alaman ng PEP (Philippine Entertainment Portal) na nakatakda ring gumawa ng album si Gabby para sa Warner Music Philippines.
Kapag nagkataon, pareho na sila ng kanyang anak na si KC Concepcion na mapapanood sa TV at pelikula, at mapapakinggan sa radio stations at record bars.
Ayon sa source ng PEP na mula sa kampo ni Gabby, ang Warner mismo ang nag-offer sa aktor na gumawa ng album at maging isa sa mga recording artist nila. Nakita raw kasi ng Warner na may talent din pala sa pagkanta si Gabby when he was invited by SM to perform in their chains outside Metro Manila—Iloilo, Dagupan, Cagayan de Oro, Cebu, and Davao. Bukod pa rito ang napakainit na pagtanggap ng mga tao sa nagbabalik-showbiz na aktor.
Hindi na rin daw kailangan ni Gabby ang mag-voice lesson dahil sa loob ng 13 years na pamamalagi niya sa Amerika ay naiimbitahan din siyang kumanta sa ilang shows. Daig pa raw ni Gabby ang nag-aral ng formal voice lesson.
Ilan daw sa mga personal choice at favorite songs ni Gabby ang nakapaloob sa album at may ilan ding original songs. Pero hindi pa raw final ang list of songs.
Nalaman din ng PEP na, more or less, ang talent fee raw na ni Gabby sa bawat appearance niya at dalawang kanta sa mga shows na ginagawa niya outside Metro Manila ay naglalaro sa P500,000 pataas. Kung totoo nga na ito ang natatanggap ni Gabby, daig pa niya ang ilan sa mga sikat na performers/singers ngayon.
Natiyempuhan ng PEP si Gabby sa Annabel's restaurant kagabi, June 26. Ayon sa kanya, kung may nakakapagpa-excite sa kanya ngayon ay ang nalalapit na pagpapalabas ng Iisa Pa Lamang with Claudine Barretto.
