Masayang-masaya ngayon ang StarStruck 1 Avenger na si Sheena Halili dahil nakasali siya sa bagong primetime series ng GMA-7, ang Ako Si Kim Samsoon. Ginagampanan niya rito ang role ni Cynthia, ang isa sa mga magiging kontrabida ni Regine Velasquez, who plays Kim Samsoon, at sobrang in love siya sa boss niyang si Cyrus, played by Mark Anthony Fernandez.
Kung sa Marimar ay naging memorable ang kooky character ni Sheena as Monica, dito sa Ako Si Kim Sam Soon ay marami ulit ang matutuwa sa kanya bilang Cynthia.
"Baliw ako sa pag-ibig dito kay Cyrus!" natatawang kuwento ni Sheena sa PEP (Philippine Entertainment Portal). "Sobra ang crush ko sa kanya hanggang sa dumating sa point na nao-obsess na ako sa kanya. Pero siyempre, papasok sa eksena si Kim Samsoon kaya mapupurnada ang mga balak ko kay Cyrus. Kaya isa ako sa mga ookray kay Ms. Regine dito sa show."
Dapat pala ay kasama si Sheena sa telefantasya na Dyesebel bilang sidekick ng kontrabida. Pero tinanggal siya sa cast ng Dyesebel at binigyan siya ng mas magandang papel sa Ako Si Kim Samsoon.
"Balita ko nga na dapat nasa Dyesebel daw ako. Nalaman ko kelan lang. Pero no regrets kung di man ako nakasama doon. Okey naman na nandito ako sa show ni Ms. Regine. First time ko siyang makakatrabaho kaya sobrang na-starstruck ako. The fact na isa ako sa mga kontrabida niya ay malaking bagay na for me," sabi ng young actress.
Ayon kay Sheena, masayang katrabaho ang Asia 's Songbird, na inakala niya noong una na mahirap abutin at lapitan.
"Kasi naman, bagets pa ako noon, paborito ko na si Ms. Regine. Kumakanta rin kasi ako kaya lahat ng mga songs niya, pilit kong kinakanta kahit hindi ako marunong bumirit!" tawa niya.
"Sino naman ang makakapagsabi na makakatrabaho ko siya sa isang TV show? Noon kapag guest kami sa SOP o sa mga specials ng GMA-7, doon ko lang siya nakikita, pero hindi ko siya nalalapitan kasi nahihiya ako. Ngayon, parati pa kaming magkasama sa mga eksena. Kaya sobrang masaya ako kasi nakatrabaho ko na ang Asia 's Songbird."
Kasama rin si Sheena sa pelikulang Loving You ng Regal Entertainment na pinagbibidahan nina Polo Ravales at Jean Garcia, pati na rin sa indie film na Pi7ong Tagpo.
