Pursigidong magsalita ng diretsong Tagalog ang GMA Artist Center talent na si Victor Aliwalas. After ng magandang exposure niya sa Marimar bilang abogado, nabigyan ulit siya ng drama project via Gaano Kadalas Ang Minsan.
Natutuwa nga si Victor sa mga magagandang nangyayari sa kanya dito sa Pilipinas. Hindi lang kasi siya sa TV shows ng GMA-7 lumalabas kundi pati na sa TV commercials at ilang personal appearances.
"I am happy with what's happening to me right now. GMA-7 has been giving me good projects. Projects that I need to study a lot, especially my Tagalog. I hope that people will be patient with me. I am still learning to speak it straight," nakangiting sabi ni Victor sa panayam sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal).
Pero inamin ni Victor na nagdadalawang-isip pa rin siya kung itutuloy niya ang kanyang showbiz career dito sa Pilipinas. May trabaho pa rin kasi siyang naghihintay sa New York kung saan maganda ang posisyon siya sa isang bangko.
Isa ito sa dahilan kung bakit hindi niya itinuloy ang pagsali sa challenge bilang gay impersonator sa Kung Ako Ikaw. Baka raw kasi mapanood siya ng mga co-workers at ibang kamag-anak niya sa New York.
"It's not that I'm refusing a challenge, pero I have a job back in New York," paliwanag niya. "I was just apprehensive because GMA-7 can be watched in the U.S. now. The people I work with may not understand what I'm doing here. But my parents are very supportive in what I do. Gusto nila ang ginagawa ko rito."
Hindi pa raw kasi decided si Victor kung okey lang na i-sacrifice niya ang kanyang trabaho sa U.S. para sa career niya dito sa Pilipinas. Pero kapag nakapag-decide na siya, ibig sabihin ay tama yung napili niya.
"I am thinking about it for many times already. I am weighing everything right now. But whatever I choose, I know it will be worth it," saad ni Victor, na may guest appearance din sa Ako Si Kim Samsoon.
