Lumabas na finally ang Pinoy Dream Academy (PDA) scholar na si Chivas Malunda kagabi, June 28, sa second gala night sa Eviction Hall. Natanggal si Chivas sa PDA dahil sa makailang ulit na health-related incidents niya sa loob ng akademya.
Dalawang beses naospital ang aspiring singer. Una ay dahil sa hyperventilation at ang ikalawa ay dahil sa matinding migraine.
Noong Miyerkules, June 25, ay muling sinumpong ng karamdaman niya si Chivas. Habang abala sa kanilang project, lumapit si Chivas sa kanyang kabiyak na si Bunny dahil may nararamdaman na naman siyang kakaiba. Habang pa-excuse sila sa kanilang mga kasama biglang natumba si Chivas at nawalan ng malay.
Dahil dito, isang napakahalagang desisyon na ang napagkasunduan ni Chivas at ang pamunuan ng PDA.
"Kinausap ako ni Teacher Mon [Monet Silvestre], ‘tapos nag-usap kami ni Bunny. Nag-worry din ako sa loob kasi hindi lang ako naapektuhan. Makikita ninyo naman sa face ni Bunny na stress na stress na talaga siya. So I think na it's a good thing na lumabas ako at nasa isip ko yung effect niya. E, may anak naman po ako sa labas, di ba? Ayoko naman po naaapektuhan siya. Parang nasa loob yung bata, ‘tapos parating umiiyak, ayun, so masakit din po sa akin," pahayag ni Chivas.
Paliwanag naman ni headmaster Ryan Cayabyab, "We have finally decided na, una, makabubuti sa health niya na lumabas na lang siya. Pero nakakatakot din na malay natin, nahilo siya at wala siyang kasama at nahulog siya. Importante sa akin ang kanyang health, ang kalusugan niya. Unang pinakaimportante sa akin na siya ay ligtas."
Kinabukasan, June 26, sa PDA Uberture isang emosyonal na pamamalama sa isa't isa nina Chivas at Bunny ang nasaksihan ng mga scholars. Paglabas ay kumonsulta muli sa doktor si Chivas.
"Yun din po ang findings niya. Same lang po. ‘Ayun, hyyperventilation and sa brain ko, same din po yung scanning niya and MRI niya. Huwag kayong mag-worry, okey na po ako," paniniguro ni Chivas.
Sa huli, nagbigay ng mensahe si Chivas sa Entertainment Live! para sa kanyang asawa na mag-isa na lang na itinutuloy ngayon ang pakikipaglaban sa PDA.
"I love you. We're always here for you. Tuloy pa rin ang laban kahit nandito ako sa labas," tapos ni Chivas.
Samantala, sa isinagawang gala performance night kagabi, June 28, ay muli na namang itinanghal na Star Scholar of the Week si Liezel Garcia. Nakasama rin sa Top 3 sina Bugoy Bogayon at Laarni Losala.
Nalagay naman sa probation list sina Jet Singh, Sheng Belmonte, Cris Pastor, at Bea Muñoz. Pero iniligtas ng mga mentor si Bea samantalang si Cris naman ang isinalba ng mga scholars. Sina Jet at Sheng ang iboboto ng mga tao through text votes para malaman kung sino sa kanila ang mananatili sa Academy.
