Sa kauna-unahang press conference for Star Cinema movie na A Very Special Love, na pinagbibidahan nina John Lloyd Cruz at Sarah Geronimo, napag-usapan din ang teleseryeng I Love Betty La Fea ng ABS-CBN. Pinakamatunog kasi ang pangalan ni John Lloyd na siyang gaganap bilang leading man ni Bea Alonzo na si Armando.
Usap-usapan na bagama't mamayang gabi, June 30, pa lamang ia-announce kung sino ang napiling gumanap bilang Armando, marami na ang kumakalat at nagsasabing si John Lloyd daw yun.
Pero nang unang i-announce na si Bea ang napili para gumanap na Betty La Fea, nasabi ng young actress sa ilang interviews niya na pansamantala muna silang maghihiwalay ni John Lloyd bilang magka-love team.
Pero kung si John Lloyd din pala ang magiging katambal ulit ni Bea, ano naman ang masasabi rito ng young actor?
"Kasi ngayon, yung sa Betty, wala pa naman talagang kasiguraduhan. Hindi ko pa alam kung sino ba talaga or kung may Armando na ba. Siguro isa lang ako sa mga choices or kung sakali man, nandoon lang ako sa pinakamababa," pahayag ni John Lloyd.
Kinontra ng entertainment press ang sinabi ni John Lloyd na siya ang "pinakamababa" dahil lumalabas na siya pa rin gusto ng mga fans na makatambal ni Bea at sinasabing pinakabagay na gumanap bilang Armando.
Pero ayon naman sa young actor, "Ako, sa tingin ko, ang management na, ang ABS-CBN na ang magdedesisyon diyan. Ako, at the end of the day, I'm still the company soldier na susunod lang sa gusto nilang gawin."
Itinanggi ni John Lloyd na may apprehension siyang gumanap bilang Armando dahil ang title role talaga ay nasa female lead.
"Wala, wala akong problema sa ganoon," giit niya. "Ang problema na lang yata ay kung dapat ba na nandoon ako sa show na yun or hindi. So yun, pinag-uusapan pa nila at inaayos pa nila kung ano ang dapat gawin. Sa ganoong sense, walang kinalaman yung title role ang babae. Kung anuman ‘to, I'll be happy to do it for Bea."
ABOUT BARON. Kung matatandaan, kung meron man sigurong maku-consider si John Lloyd na mga una niyang nakabarkada sa showbiz, ito ay ang kasamahan niya sa grupong Koolits noon na sina Marc Solis at Baron Geisler. Si Baron nga ay nakasama pa ni John Lloyd sa weekly series nila noong Tabing-Ilog.
Sa ngayon, iba't ibang negatibong mga balita ang naglalabasan about Baron. Bilang kaibigan, nagkakausap at napapayuhan ba niya ang young actor?
"Si Baron, alam naman niya, e," sabi ni John Lloyd. "Alam niya kung hanggang saan ako para sa kanya. Every time naman na magkikita kaming dalawa, parang alam ko na ang sasabihin mo at alam ko na ang isasagot mo. Para sa amin, alam na namin."
Tinanong ng PEP si John Lloyd kung bilang kaibigan ay nababahala rin ba siya sa mga naglalabasang balita tungkol kay Baron.
Aniya, "Ang problema kasi sa magkakaibigan, hindi all the time nandiyan kayo para sa isa't isa. I mean, ako, hindi ako magmamalinis. Meron akong mga dinaanan sa buhay ko na ganoon din kabigat. Medyo para bang, iisipin mo, ‘Nasaan ang mga kaibigan ko?'
"Yun ang sinasabi ko sa kanya na, I will try kahit araw-araw, pipilitin ko na huwag kong maririnig yung salita ng kaibigan na parang, ‘Nasaan ka noong kailangan kita?' Somehow, oo, naba-bothered ako bilang kaibigan."
Magkaganuman, ayaw na ring magbigay ng pahayag ni John Lloyd sa kinasusuungang kaso ni Baron ngayon sa anak nina William Martinez at Yayo Aguila na si Patricia Martinez.
Katuwiran niya, "May kaso, e. Mahirap magsalita. Basta kung sa kaibigan, sa kaibigan ako."
