Akala ng marami, komo premyadong aktres na si Cherry Pie Picache, hindi na siya nagwi-wish ng roles na mas marami ang magpapahalaga rito bukod sa humahanga na sa kanyang mga kritiko.
"I want to be in a love story, yung project na babagay sa edad ko," sabi pa ni Cherry Pie. "Yung parang sa Bridges of Madison County ni Meryl Streep, ganoong tipo. Happy ako nang kumita ang A Love Story kasi, sa status ni Maricel Soriano, puwede pa rin pala yung ganoong love story, na ang feeling ko, okey rin lang for me, di ba?
"Gusto ko sanang gawin noon ang Mga Pusang Gala, pero hindi talaga pumuwede. I could have adjusted, pero may mga eksena roon na medyo hindi ko pa kakayanin, at that time. Kasi, may plans din naman ako to endorse products.
"Alam mo, yung kahit paano, may image consciousness na. Kaya talagang mapili rin ako. Like yung sa Serbis, dapat ay ako roon, but the role was given to Jane [Jaclyn Jose]. Yung tema ng pelikula, tungkol sa pagbebenta ng sex sa loob ng sinehan, risky na rin sa akin yun, at this point," pahayag ni Cherry Pie.
Sa puntong ito ay halos wala na talagang dapat patunayan ang aktres. Kaya lang, gusto niyang magtagal pa sa business na ito by enhancing her image as a personality. Ito ang binibigyan din nila ng focus ng kanyang manager na si Ed Instrella.
WHAT SHE HATES IN SHOWBIZ. Naitanong namin kay Pie, sa tinagal-tagal na rin niya sa industriya, ano ang pinaka-hate niya rito?
"Politics," mabilis niyang sagot. "At saka yung plastikan. Parang lahat, nag-i-stem out doon.
"Sa awards na lang, may pulitika kadalasan diyan. Sa grants na ibinibigay, hindi yung worth talaga, papasukan pa rin 'yan ng pulitika. Sa networks, may politics, diyan nag-i-stem out lahat.
"Hindi talaga lahat ay naibibigay roon sa deserving. You can't do it without a clout. Ganoon, di ba? Pero, I'm not saying that I can't live without it. Yun ang realidad, kaya yun ang haharapin ko.
"Sana lang, kung puwede, wala na lang ganoon. Pero, kahit saan naman, nahahaluan ng politics. Kahit anong trabaho, mayroon niyan, e," sabi na lang ni Pie.
Sa kabila ng ganitong sistema, hayan si Pie, at very much in-demand, kahit sa TV. Katatapos lang niyang mag-taping for Florinda as part of The Susan Roces Cinema Collections na magtatampok kay Maricel Soriano, at kasama siya sa magsisimulang teleserye sa ABS-CBN, ang Iisa Pa Lamang na tatampukan nina Claudine Barretto at Gabby Concepcion.
ACTRESS NOT A STAR. Pero, kahit na sa ganitong status, hindi pa rin basta sumasakay si Pie sa kung anu-anong kagimikan na nagbibigay ng kulay sa buhay ng isang artistang gaya niya.
"Choice ko kasi yun, kasi, gusto kong bigyan ng dignidad ang pag-aartista ko," sabi pa ni Pie. "Pati ang pagkatao ko. May mga tsismis din sa akin before, pero ayokong patulan.
"Kahit naman artista ako at public figure, I am also entitled to my private life. At nasa akin yun kung paano ko mapoprotektahan ang private life ko.
"Gusto kong natatandaan ako dahil sa mga ginawa kong pelikula, at hindi yung kung sinu-sino ba ang naka-affair ko. Na matatandaan ako dahil sinampal ko si Ganito o si Ganyan, na magkagalit kami.
"I believe that the people deserve more than just that. I don't want to create my life as a circus. Ayokong ma-compromise. Ayos na ako sa tawag sa akin as an actress, sila na lang ang stars.
"Kuntento na rin akong mapag-usapan ang tungkol sa
trabaho ko," pagwawakas ni Pie sa interview.