Dinalaw ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang taping ng Joaquin Bordado, sa Town & Country sa Cainta City, at pinag-react ang isa sa stars nito na si Mark Herras tungkol sa nasulat noon na sinabi niya raw na sasamahan niya si si Jennylyn Mercado sa panganganak nito, either sa last week of August or first week of September 2008.
"Hindi po ganoon ang sinabi ko," naiiling na wika ni Mark. "Ang sabi ko po, dadalawin namin siya ng mga kasamahan namin sa StarStruck once na nakapagsilang na siya.
"Ang sabi din namin kay Jen, asahan niya ang suporta naming magkakaibigan, huwag siyang mahiyang magsabi kung may kailangan siya sa amin, dahil lahat naman kami, sina Rainier [Castillo], Yasmien [Kurdi], Nadine [Samonte], at iba pa sa barkada, handa siyang tulungan."
JOAQUIN, BINOE, KYLIE. Sa ngayon, halos araw-araw daw ang taping nila ng Joaquin Bordado.
"Malapit na po kasi itong matapos at sa July 8 na ang last taping day namin pero live po raw ang grand finale namin sa July 11. Sa ngayon po, normal na ang character ko sa story, wala na akong power, pero may mga action scenes pa rin akong gagawin hanggang sa pagtatapos nito."
Kumusta namang katrabaho si Robin Padilla na halos araw-araw niyang kasama sa may 22 weeks na itinagal ng kanilang action-drama telefantasiya?
"Iba po siyang katrabaho, malalim siya kaya hangang-hanga ako sa kanya. Sa mga action scenes hindi siya bara-barang magtrabaho. Ang katuwiran niya, ang mga action scenes, hindi dapat madaliin dahil puwede naman itong ayusin sa editing. Kahit po sa mga dramatic moments, maingat din siya, kaya po siguro naiintindihang mabuti ng mga nanonood sa amin ang story ng Joaquin Bordado.
Nabiro tuloy namin si Mark sa naging issue noon na mahilig daw siyang manligaw ng bata, na matapos niyang ma-link kay Ynna Asistio na nakatambal niya noon sa Mga Mata ni Anghelita, ngayon naman ay gusto raw niyang ligawan ang second daughter ni Robin, na kasama rin nila sa show, si Kylie.
"Takot ko lang po kay Kuya Binoe," sagot ni Mark. "Hindi po totoo iyon. Wala po akong love life ngayon dahil sakit lamang iyon sa ulo. Na-trauma na po ako, mas gusto ko na lang magtrabaho."
MARK-RHIAN LOVE TEAM. Wala pa raw siyang alam na susunod na TV project pagkatapos ng Joaquin Bordado.
"May coming movie po naman ako, at may one shooting day pa kami ng I.T.A.L.Y. (I Love And Trust You) ng GMA at Viva Films, dahil may additional scene pa na gustong i-shoot si Direk Mark Reyes."
Sila muli ni Rhian Ramos ang magkatambal sa movie, shot aboard a luxury liner to Europe. Handa ba sila sa mga intriga na tiyak na muling bubuhayin ng mga may galit sa love team nila, lalo na yung mga galit kay Rhian?
"Ewan ko nga po, kung bakit ayaw nilang tumigil. Hindi po namin maintindihan ni Rhian kung bakit nagagalit sila sa team-up namin. Ayaw daw nila dahil ang team-up namin ni Rhian. Ginawa ng GMA Network, dapat daw, iyong binuo ng mga fans, tulad po ng love team namin ni Jennylyn ‘tapos ang love team daw nina Rhian at Richard Gutierrez. Ano po ba ang magagawa namin kung gusto ng GMA na kami ang pagtambalin ni Rhian? Sino po naman kami para tumanggi, trabaho po iyon, hindi ko tatanggihan."
Stalker daw siya ni Rhian, sabi ng mga fans. Kahit daw nasaan si Rhian, nandoon din siya.
"Paano po ako magiging stalker? Ang ikinagugulat ko nga po, kung nagkikita kami ni Rhian, sa mga showbiz functions o nagsu-shooting kami, may nagti-text na agad sa amin na bakit daw magkasama na naman kami?
"Kahit po sa Internet, kung anu-ano ang ginagawa nila, gumagamit sila ng pangalan ng mga taga-GMA, ‘tapos sasabihin nilang kay Rhian daw iyon.
"Kung minsan nga po sa inis ko, sinasagot ko na ang text nila. Hindi ko po maintindihan kung bakit gustung-gusto nilang siraan si Rhian, wala namang ginagawa sa kanila. Saka nagtatrabaho lang naman po kami. At hindi ko po niligawan o naging girlfriend si Rhian."
Natawa si Mark nang tanungin siya kung may kissing scene ba sila ni Rhian sa I.T.A.L.Y. Ano ba ang role niya sa movie na may playdate na sa August 6, 2008?
"Smack lang po, once, sa buong pelikula. Ulila po akong nagtrabaho sa barko, para matulungan at tumanaw ng utang na loob sa mga nagpalaki sa akin. Si Rhian naman, graduation gift ng mommy niya ang cruise niya sa barko. Pero may problema pala sila ng mommy niya at nagrerebelde siya. Naging close kami during the cruise at nag-advise ako sa kanya na dapat ay mahalin niya ang mommy niya dahil ako, hindi ko nakilala at nakasama ang mommy ko.
"Feel-good po ang movie at tiyak na magugustuhan ng mga manonood dahil kami nina Ate Jolina [Magdangal], Dennis [Trillo], Rufa Mae [Quinto] at Ate Eugene, nag-enjoy sa shooting dahil pare-pareho kaming first time na nakapag-cruise at libre pa."