Ipinakita ni Raymart Santiago ang kanyang suporta sa asawang si Claudine Barretto sa celebrity at press preview ng bagong teleserye ng kanyang misis sa ABS-CBN, ang Iisa Pa Lamang, last Friday, July 4.
Naunang dumating sa SM The Block Cinema 2 si Raymart kesa kay Claudine. Bago pumasok ng sinehan ay nakausap muna ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Raymart at kinuha ang reaksiyon sa nababalitang maiinit na kissing scenes ni Claudine sa leading men niya sa Iisa Pa Lamang, sina Diether Ocampo at Gabby Concepcion.
"Trabaho lang naman yun," kibit-balikat ni Raymart.
Pero aware ba siya na umabot daw ng ten minutes ang kissing scene ni Claudine kay Gabby?
"Aware ako doon. Si Claudine naman, ikinukuwento niya sa akin yung mga eksena niya," sagot ng aktor. At "Okey lang yun," sa tanong kung nagselos ba siya.
What about yung seven minutes naman na halikan nina Claudine at Diether?
"Ha? E, ganun talaga. Ako rin naman ginagawa ko yun dati sa mga pelikula ko," saad ni Raymart.
Aminado si Raymart na mas seloso siya kesa kay Claudine. Nagkaroon na ba ng chance na may pinagselosan siya kay Claudine?
"Wala pa naman," sagot niya. "‘Tsaka kasi kami, hindi na namin binibigyan ng pagkakataon na may pagselosan ang isa't isa. Hindi naman din ako basta-basta nagseselos at saka hindi niya ako binibigyan ng dahilan para magselos."
Sa ngayon ay wala pa ring ginagawang proyekto si Raymart sa GMA-7. "Pero may mga pinag-uusapan na kami," pagbabalita ni Raymart.
Walang bang offer ang ABS-CBN na show sa kanya?
"Wala, pero masaya na ako sa GMA-7," sagot niya.
Kung sakaling may offer, tatanggapin ba niya para makasama ang kanyang misis na si Claudine kahit sa isang proyekto sa ABS-CBN?
Natawa muna si Raymart bago sumagot. "Hindi siguro kasi parang hindi ako kumportable na katrabaho siya. Nasubukan na kasi namin na magkasama nung mag-guest siya sa show namin. Naiilang ako, e," pahayag ni Raymart.




