"I'm confident po na hindi ako ang matatanggal. Kaya nalungkot po ako nang sabihin ni Raymond na magpaalam na ako kay Daryl dahil ako ang natanggal. Alam ko pong ginawa ko ang best ko last night," reveals Pinoy Idol finalist Robby Navarro.

Photo: Noel Orsal

Maraming nalungkot nang i-announce ng Pinoy Idol host Raymond Gutierrez na si Robby Navarro ang natanggal. Siya ang nakakuha ng pinakamababang boto among the bottom three na kinabibilangan din nina Sue Ellen at Daryl Celis at Robby Navarro. Kapansin-pansin na kahit may kanya-kanyang pambato ang mga nasa audience ay natahimik sila pagkatapos ng announcement sa ginanap na elimination kagabi, July 6, sa CenterStage ng SM Mall of Asia.

 

Sa Top 12, si Robby ang ikatlong Pinoy Idol finalist na pinauwi. Ang mga nauna sa kanya ay sina Jeni Rawolle at Mae Flores.

 

After the announcement of the bottom three this week, hiningan ng komento ni Raymond ang mga judges na sina Ogie Alcasid, Jolina Magdangal, at Wyngard Tracy. Sabi ni Ogie, hindi siya makapaniwala na nakasama si Robby sa bottom three dahil "he's one of the better singers among the Final 10."

 

Ayon naman kay Jolina, parang hindi raw worth na sa isang gabing hindi masyadong maganda ang performance ni Robby ay nakasama na siya sa bottom three.

.

Para naman kay Wyngard, "Okey lang dahil ayaw kong maging malungkot ako linggo-linggo kung mali ang natatanggal na finalist." Pero nakiusap siya sa mga text voters to vote objectively and wisely dahil ang tatanghaling kauna-unahang Pinoy Idol ay magre-represent sa bansa globally. Nagbigay rin ng babala si Wyngard na kasalanan ng mga tao kung ang mapiling Pinoy Idol ay hindi deserving.

 

NOT READY TO GO HOME. Nakausap ng PEP si Robby after singing his last song na "The Greatest Love of All." Tinanong namin siya kung ano sa tingin niya ang dahilang kung bakit siya ang natanggal. Hindi ba't marami naman siyang fans na sumusuporta sa kanya, as seen sa mga episodes na ipinalabas sa Pinoy Idol Extra? Sa palagay ba niya ay hindi sila bumoto nang tama this time?

 

"Hindi ko po alam kung paano, pero I'm confident po na hindi ako ang matatanggal," pag-amin ni Robby. "Kaya nalungkot po ako nang sabihin ni Raymond na magpaalam na ako kay Daryl dahil ako ang natanggal. Alam ko pong ginawa ko ang best ko last night [July 5]."

 

Hindi kaya nakaapekto o hindi nagustuhan ng text voters ang nakita sa kanya last Thursday, July 3, sa Pinoy Idol Extra na ang subject ay "test of patience and social skills"? Nakita kasi doon na nag-tantrum at isinabog niya lahat ng mga gamit niya nang pansinin siya na iniligpit na niya agad ang gamit niya samantalang the next morning pa nila dapat gawin ‘yon. At pagkatapos niyang maikalat lahat ng gamit niya, lumabas siya ng Linden Suites, kung saan sila naka-billet, at sinundan lang siya ng best friend niyang si Kid Camaya.

 

"I believe na nakaapekto rin po ‘yon," sagot niya. "But I guess I'm just human that time at hindi ko naitago ang true feelings ko, or siguro dahil pagod na pagod na rin po ako kaya hindi ko na naisip na may dapat kaming sunding rules and regulations. I feel sorry din pagkatapos at na-realized na mali rin ang ginawa ko, pero nangyari na po."

 

Sa naiwanang Final 9, na sina Sue, Daryl, Jayann, Gretchen, Penelope, Warren, Ram, Toffer, at Kid, sino ang gusto niyang maging first Pinoy Idol?

 

"Tatlo po ang choices ko—sina Warren, Penelope, or Ram. Hopefully, sila ang makarating sa Final 3," sabi ni Robby.

 

After his elimination, ano ang balak niyang gawin?

 

"I just want to go home and rest a lot," sabi niya. "Pero kasama pa rin po naman ako, kami nina Jeni and Mae na unang natanggal, sa mall shows namin every Friday. Gusto ko pong magpasalamat sa lahat ng mga sumuporta sa akin."

 

Dating member ng disbanded band na Wiseguys si Robby. Hopefully raw ay hindi matatapos ang kanyang dream na maging singer sa pagkatanggal niya sa Final 10.

 

IDOLS REACT. Nakita ng PEP na iyak nang iyak si Jayann kaya hiningan na rin namin siya ng comment sa pagkatanggal ni Robby.

 

Sabi ni Jayann, "Magkababayan po kasi kami ni Robby. Pareho kaming taga-Pampanga nina Kid at alam ko pong gustung-gusto niyang manalo. Ito na po kasi ang last chance niya, he's already 28 years old at nararamdaman ko po ang lahat ng paghihirap niya para makarating sa itaas. Naiyak po ako nang yakapin ko siya at sabi niya sa akin, ‘Galingan mo!'

 

Natuwa naman si Warren nang sabihin sa kanyang isa siya sa ini-expect ni Robby na maging first Pinoy Idol kahit na naiyak din siya sa pagkatanggal ni Robby.

 

"Naiyak din po ako nang siya ang matanggal dahil alam ko pong mahusay siyang kumanta," naiiling na sabi ni Warren. "Kung puwede lang pong ipalit ang puwesto ko, pero hindi naman po puwede at alam ko ring hindi siya papayag. Sana lang po magkaroon ng wild card at siya ang makapasok."

 

Si Sue naman ay masaya pa kahit nakasama siya sa bottom three.

 

"Every time po kasi na nagpi-perform ako, iniisip ko nang puwede akong matanggal," sabi ni Sue. "Positive thinking po ako tungkol dito, dahil para sa akin, ‘yon lang pong nakasama ako sa Top 24, tuwang-tuwa na po ako. Kaya tuwing masi-save ako, bonus po sa akin ‘yon at nagpapasalamat ako kay Lord at sa mga text voters."