Ipinalabas sa The Buzz last Sunday, July 6, ang controversial video nina Cristine Reyes at Dennis Trillo na nahuling magka-date. Nakita sa video na magkasama ang dalawa na nanonood ng reality-combat championship.
Dahil dito, maugong ang balita na nagkabalikan na sina Cristine at Dennis. Ilang buwan na ang nakakaraan nang mabalitang nagkasalubong ang dalawa at ang dating girlfriend ni Dennis na si Carlene Aguilar sa isang mall kung saan hindi raw sila nagpansinan.
Pagkalipas ng ilang buwan, nabalita naman na nagkaroon ng hidwaan si Cristine at ang kanyang kapatid na si Ara Mina. Isa sa hinihinalang dahilan ay ang pakikipagbalikan ni Cristine kay Dennis. Pero nagkabati na ang magkapatid noong nakaraang linggo at itinanggi ni Ara na si Dennis ang dahilan ng kanilang away.
Sa trade launch ng mga bagong shows ng ABS-CBN, nagbigay ng pahayag si Cristine nang tanungin tungkol kay Dennis.
"Oo, lumalabas kami," pag-amin ni Cristine.
Mas masaya ba sila ngayon ni Dennis?
"Okey na? Okey na ba?"
Hindi man aminin ni Cristine, ang kuha nila sa video ang makapagsasabi ng tunay na relasyon nila ni Dennis.
Magka-date sina Cristine at Dennis habang nanonood ng URCC o Universal Reality Combat Championship sa Makati. Nang matapos ang kanilang pinapanood sa Makati, sabay na lumabas ang dalawa.
Nang mapansin ni Dennis na may nakatutok na kamera sa kanila ni Cristine ay pilit niyang ipinapapatay ito. Habang si Cristine naman ay lumalayo sa kamera para umiwas.
Tinanong ng The Buzz si Dennis kung madalas ba siyang manood ng ganitong klaseng palabas.
"Oo, adik ako sa MMA [Mixed Martial Arts], e," sagot niya.
Tinangka silang interbyuhin ng The Buzz, pero hindi nagustuhan ni Dennis ang pagsunod ng kamera sa kanila.
"Huwag nga kayong makulit! Huwag kayong makulit," sabi ni Dennis sa TV crew.
Wala namang kamalay-malay si Ara na nanonood pala si Cristine kasama si Dennis samantalang dapat sana ay kasama niya ang kapatid na manood ng concert ni Dingdong Avanzado sa Teatrino sa Greenhills. Pero hindi siya sinipot ni Cristine.
"Dapat kasama ko siya dito. E, kaso hindi ko na-remind. Nakagawa siya ng lakad. Inindiyan niya ako," sabi ni Ara.
Nagbigay naman ng opinion si Ara if ever nagkabalikan na sina Cristine at Dennis.
"Okey lang if ever magkabalikan sila. Wala akong problema," sabi niya.
Nahingan din ng The Buzz ng reaksiyon si Carlene sa pagde-date nina Cristine at Dennis.
"Sila naman, e. Kaya natural lang na sila ang magkasama. Alangan namang si Calix ang isama niya, e, bata pa yun. Ingat!" sabi ni Carlene.
