Tinawagan ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang vice president for GMA Program Management na si Mr. Joey Abacan upang kumpirmahin kung totoo ang balita na pumapangalawa diumano ang My Monster Mom sa Hollywood flick na Hancock in terms of ranking sa top-performing movies around Metro Manila last week.
"I'm not sure if it's number two," pahayag ni Joey. "Hindi naman kasi namin tinitingnan ‘yong competition, especially the foreign movies. Ang tinitingnan namin is ‘yong gross and performance as compared doon sa mga films that we produced in the past."
Maging ang network executive ay nagulat sa tanong namin. "Well if it's Number Two, that's very good," sabi nito.
Ranking aside, sinabi ni Mr. Abacan na masaya ang GMA Films at ang Regal Entertainment sa performance ng My Monster Mom mula nang magbukas ito noong July 2 sa mga sinehan.
Paliwanag niya, "We're happy naman sa performance ng movie and hindi kami nagsisisi in producing it."
Wala rin daw problema ang mga producer pagdating sa mga probinsiya dahil kahit doon ay suportado ng mga manonood ang mother-and-daughter pair nina Annabelle Rama at Ruffa Gutierrez.
"Sa province, yes, malakas naman siya. I think mas malakas pa nga sa province. Bottom line is we're happy sa movie and we're very proud and happy for Annabelle," diin ni Mr. Abacan.
ANNABELLE'S INITIAL REACTION. Last week pa lang ay may usap-usapan na No. 2 nga raw ang My Monster Mom overall. Bagamat hindi pa man kumpirmado at that time, hindi naman maitago ng feisty Gutierrez matriarch na si Annabelle ang kanyang kagalakan sa nakarating na balita.
"Ganun pa rin, natutuwa at maraming nagmamahal sa akin. Natutuwa ako na mahal din si Ruffa at ang acting niya," pahayag ni Annabelle nang usisain ito ng PEP last week.
Nang magdaos ng press conference ang nasabing pelikula last June 24 sa Annabel's restaurant sa Quezon City ay buong pagmamalaki na sinabi ni Annabelle na feeling niya ay debut movie niya ang My Monster Mom.
"Siyempre, ngayon lang ako natututong umarte at nagda-dialogue ako ng mahahabang dialogue. For me, itong movie na ito, hindi ito actually comeback but for me, this is my first movie. Ito talaga ang masasabi kong movie ko. Dahil noong araw naman, yung mga pelikula kong nagawa, wala naman ako halos dialogue, puro suso ko lang yung makikita," prangkang pahayag ni Annabelle.