Iba-iba ang naging reaksiyon ng mga nakapanood sa celebrity at press preview ng Iisa Pa Lamang last Friday, July 4. Pero masaya naman na humarap ang buong cast ng bagong teleserye ng ABS-CBN sa grand presscon nito kagabi, July 8, sa Plaza Ibarra, Timog Avenue, Quezon City.
Isa sa mga nakuha nilang feedback mula sa mga nakapanood ay para raw pelikula ang Iisa Pa Lamang dahil sa naglalakihang mga artista, location, production values, at kuwento nito.
Ayon sa bida na si Claudine Barretto, "Yes, yun talaga ang gusto naming ibigay sa audience ngayon. Yun bang parang pelikula na siyempre, di ba, mahal na yung manood ng sine at matagal-tagal na rin na walang masyadong drama sa telebisyon? Yun ang gusto naming ipakita sa kanila sa Iisa Pa Lamang."
Pero bago ang Iisa Pa Lamang ay katatapos lang ng Sine Serye na ginawa ni Claudine para sa ABS-CBN, ang Maligno. Paano niya nagagawa na maging iba ang atake niya sa bawat role na ginagampanan niya, like sa Maligno at ngayon sa Iisa Pa Lamang?
"Unang-una, I make sure na talagang kapag gumawa ako ng isang teleserye, hindi kamukha ng ibang teleserye na ginawa ko. And, of course, sumasabay sa age ‘yan, e. Kung ano yung role na kinakailangan para sa age ng artista, sumasabay yun," paliwanag ng aktres.
BALANCING ACT. Sa pagbabalik ni Claudine sa teleserye, naging super busy muli ang aktres. Paano niya nababalanse ang kanyang oras bilang ina at asawa bukod sa magandang career niya?
"Lately, it's been very, very hard," pag-amin niya. "Kasi nga, yung family ko, si Raymart at yung mga kids, nag-a-adjust. Yung talagang naiiyak ako kahit sa set. Kasi parang hindi ko na sila masyadong nakikita. ‘Pag uwi ko, nagra-run na si Raymart, nag-eensanyo na siya. Kasi nagta-triathlon siya, di ba? ‘Tapos tulog na yung mga bata o papunta na si Sabina sa school, doon pa lang ako matutulog, yung ganun. Pero ngayon, mas nakaka-adjust na kami. Hindi na kami masyadong inuumaga."
Sa tingin ba niya wala siyang masyadong napapabayaan bilang ina?
"Medyo, medyo lately na-feel ko. Like yung first day of school ni Sabina, hindi ko siya pinapasok because I have work. Parang next Monday ko pa siya pinapasok. Actually, she's supposed to go to the school ng Tuesday, pinapasok ko na siya ng Monday para masamahan ko siya."
Paano sila nagba-bonding ni Raymart?
"Kasi si Raymart, they visit naman me sa set. Pero, siyempre, ‘pag time na ng uwian, umiiyak na si Sabina. Si Santino naman, medyo okey pa. So yun lang yung masakit. Masakit na kapag kailangan nang umuwi. Si Raymart naman, anytime na gusto niyang pumunta at mag-stay sa set hanggang madaling-araw, puwede naman gawin.
"So we make it a point na kahit gaano ako kapagod, matutulog lang ako hanggang one ng hapon and the rest of the day, I will spend it with the kids. Then sa gabi, pagdating ng mga six or seven, ‘andun na ako kay Raymart. Kami naman ang magde-date, kakain sa labas with our friends," lahad ni Claudine.
Ano ang plano niya sa birthday nila ni Raymart sa July 19?
"Gagawin naming ano, hindi kami magsi-celebrate on our birthday talaga. Ang gagawin naming celebration is the first birthday party and dedication of Santino. Sa July 20 gaganapin ito.... si Raymart, inaayos niya ngayon yun, kung ano ang mangyayari kasama yung kaibigan ko from Baloon Station. Inaayos talaga ngayon kung gaano kalaki o ano, hindi ko alam. Si Raymart lahat ang nagaasikaso ngayon," saad ni Claudine.
