Kung meron mang masayang-masaya sa mga nangyayaring maganda sa career ni Ciara Sotto, ito ay ang kanyang ina na si Helen Gamboa-Sotto.
Present si Helen sa album launch ni Ciara na If You Love Me under Sony BMG last Wednesday, July 9, sa Teatrino sa Promenade, Greenhills. Tuwang-tuwa nga ang dating singer-actress dahil sa malaking improvement ni Ciara sa kanyang pagiging singer at sa overall personality nito.
"I must admit, kinabahan din ako for Ciara kasi hindi natin alam how people will react to her now dahil matagal siyang nawala. Pero sa nakita kong magandang feedback from the press, I know that my daughter will be heading for better things. Nagpapasalamat ako sa mga taong sumusuporta kay Ciara because she really worked hard and it is now paying off so beautifully," masayang pahayag ni Helen.
Ikinuwento rin ni Helen ang reaksiyon niya nang unang sabihin sa kanya ni Ciara na gusto nitong subukan na magkaroon ng career sa Las Vegas. Gusto man niyang pigilan si Ciara, pero naisip ni Helen na nasa tamang edad na ang anak para maging independent na at pag-isipan ang gusto nito sa kanyang career.
"I had a talk with her when she made her decision," lahad ni Helen. "Sabi ko na she will be on her own. Alam ko na hindi siya sanay because she grew up with people around her doing things for her. But she has to grow up and learn everything by herself. Kahit na masakit for me to let her live on her own, tiniis ko ‘yon kasi alam ko na may magandang mangyayari.
"Sinamahan ko naman siya ng almost a month sa Las Vegas. As a mother, I see to it na maayos ang titirhan niya and I gave her pointers kung paano gawin ito, paano lutuin ‘yan, and all that.
"Iyak ako nang iyak when I had to leave her there. Bunso namin si Ciara, e, and it's hard even for her sisters and brother na malayo siya sa amin, kasi nga we are a very close family. But we know that it will be for the betterment of her whole being. Yun ang pinagdasal ko na Ciara be a new person after all this."
SURPRISE ARRIVAL. Ginulat nga raw ni Ciara ang kanyang pamilya nang umuwi ito two days before the arrival date na sinabi niya. Sorpresa raw niya ‘yon sa kanyang mommy na miss na miss na siya.
"Nagulat na lang ako nang bigla siyang dumating," sabi ni Helen. "Kasi nga, iba ang date na ibinigay niya. She said naman na gusto niya kaming i-surprise talaga. She contacted her friends na sila ang sumundo sa kanya sa airport. Masaya kaming lahat because she's home kahit na for just two weeks kasi she has to get back to the U.S. dahil may mga commitments na siya. Isa dun ay yung show ng Eat Bulaga! sa Los Angeles. Una ngang nasabi ko sa kanya, ‘Anak, ang payat mo!'"
Sa pag-uwi raw ni Ciara ay napansin ni Helen ang pagiging independent na ng anak. Hindi na raw ito nag-uutos sa kanilang mga kasambahay at lahat ay siya mismo ang nag-aasikaso.
"I'm so proud of Ciara because malaki ang naging pagbabago niya talaga. She's been doing things on her own at hindi na nag-uutos. She's cleaning her own room, fixing her things sa kuwarto, and she learned how to cook.
"It's a really big change kasi hanggang dito nadala niya ang pagiging independent niya. Nagpasalamat nga ako sa Diyos because my daughter has finally learned what's life is really like. Hindi kami parating nasa tabi niya. Ngayon, kampante na ako na kaya na niyang mamuhay mag-isa."
CIARA'S LOVE LIFE. Pagdating naman sa love life ni Ciara, hindi rin naman daw nakikialam ang kanyang ina. Kung ano ang maging desisyon ni Ciara sa relasyon nila ng kanyang boyfriend, it's all up to her daw.
Ayon kay Helen, "Ever since naman, hindi kami nakialam sa naging personal na buhay ni Ciara. Basta mahal ni Ciara, mahal naming lahat. Ganyan kami ka-supportive.
"May nagtanong nga sa akin, e. What if maisip ni Ciara na magpakasal na? Sinabi ko na mukhang hindi pa naman, kasi with the way her career is doing now, mukhang matagal pa. Nag-mother-daughter talk kami kelan lang and she told me all her plans sa kanyang career. She wants to do this, achieve that, and all.
"Wala namang nabanggit about getting married. I know na napag-uusapan na rin nila ‘yon [ng boyfriend niya] because Ciara is of age naman to get into that. Pero sa tingin ko, hindi nila ‘yon priority. Mas tutok si Ciara ngayon sa kanyang career."
BACK IN LAS VEGAS. Sa muling pag-alis ni Ciara papuntang Las Vegas ay sasamahan ulit siya ni Helen. Again, bilang isang ina, gusto niyang makitang maayos ang lahat para sa kanyang anak.
"Hindi maiaalis sa atin ang mag-worry pa rin kaya I'm going with Ciara back to the U.S. Mga ilang weeks lang siguro just to have her settled again. Marami pa kasi kaming pag-uusapan at masyadong short yung two weeks na itinagal niya rito.
"But when I leave her, hindi na ako iiyak nang husto because I know my daughter is now taking good care of herself and she's enjoying her independence. I want her to keep that up and be the person that she always wanted to be," saad ni Helen.