Under new management na ang Face Of The Year search na dating hawak ng kilalang talent manager na si Jojo Veloso.
Ang franchise ng contest na ito ay hawak na ng isang enterprising businessman na isa ring struggling actor. James Radd Amado is currently making a name for himself in the field of showbiz.
Sa kanyang pamamalakad, bibigyan ng bagong hininga ni James ang naturang contest na nagpasikat sa ilang artista sa showbiz. Muli ngang ibabangon ni James ang contest na ito at anumang araw ay maaari na nila itong ilunsad. Maraming bagong ideya si James kaya kaabang-abang ang pagbabalik ng contest na ito.
JOJO VELOSO, STILL IN SHOWBIZ. Kaugnay nito, nagsalita na ang dating namamahala sa naturang contest na si Jojo Veloso, na naging kontrobersyal sa peak ng kanyang career bilang talent manager. Naging laman si Jojo noong araw ng halos lahat ng mga babasahin at mga balita sa radyo at telebisyon dahil sa kontrobersyang kinasangkutan niya. Aniya, pawang mga paninira at gawa-gawa lang ang mga iyon ng kanyang mga detractors.
Pero sabi ni Jojo, all those things are now water under the bridge. Hindi nga niya malilimutan ang mga panahong iyon na sinubukan ang kanyang pananalig sa Diyos at paniniwala sa sarili.
"Heto ako, buhay na buhay pa, alive and kicking. Maaaring naigupo nila ako sandali pero hindi nila ako napatay. Nung mga panahong yun, ipinagpasa-Diyos ko na lang sila, at ngayon, alam naman nating wala namang nangyari sa gusto nilang gawing pagtumba sa akin," sabi pa ni Jojo, na totoo rin naman, dahil hanggang ngayon, nakatindig pa rin siya at muling nakikipagsapalaran sa mundo ng showbiz.
Kung tutuusin nga naman, hindi siya nawala sa showbiz, dahil nandiyan ang bakas ng maraming talent niya na nakagawa na ng marka bilang mga artista.
Una sa listahan sina Allen Dizon at Ana Capri na kinikilalang mga tunay na aktor at aktres dahil sa ipinakita nilang kakaibang talino sa pag-arte at pagkilala sa kanilang kakayahan. Pinag-usapan din naman at nakagawa ng mga balita ang iba pa niyang mga naging alaga, tulad nina Ina Raymundo, Aya Medel, at Via Veloso.
Marami pang ibang pangalan na pinasikat si Jojo Veloso, at aniya, muli siyang magsisimula't gagawa ng mga bagong pangalang kikilalanin sa showbiz.
Katunayan, siya ang namamahala sa career ng bagong sumisikat na sexy star at kikay performer na si RR Enriquez. Kilala na si RR who made her presence known sa noontime show na Wowowee.
Napapansin na nga ang kakayahan at kagandahan ni RR and given the right break, magiging showbiz talk of the town din ang bagong talent na ito ni Jojo Veloso.
Samantala, nung hindi naging masyadong active si Jojo sa showbiz ay pinasok din niya ang pulitika. Naging board member nga siya sa kanyang island province na Biliran sa Visayas. Wala rin daw siyang intensyong talikuran ang isa pa niyang career na ito.
"Hindi ko iiwan ang pulitika at kung puwede kong isabay ang showbiz, yun ay gagawin ko. Gusto kong maglingkod sa bayan ko at gusto ko ring makatulong sa maraming baguhang nangangailangan ng tulong ko," pangwakas na statement ni Jojo Veloso.