Masayang ibinahagi ng Megastar na si Sharon Cuneta ang bonding moments nila ng dalawa niyang anak kay Senator Kiko Pangilinan na sina Frankie, 7, at Miel, 3. Sa isang hapunang kasama ang piling entertainment press, tuwang-tuwang ikinuwento ni Sharon ang hilig niyang gumawa ng art projects kasama ang mga bata.
"We like papel, scissors, and glue," kuwento ni Sharon. "We like creating things with our hands. Before I left for Paris, we made paper lanterns. Binutasan namin, then I put a reading light inside. I turned off all the lights in the dressing room, 'See!' Sabi nila, 'Mommy, let's make more!'"
Ang naturang hapunan, na ginanap noong July 15 sa Discovery Suites sa Mandaluyong, ay nagsilbing daan na rin upang ipagmalaki ni Sharon ang iniendorso niyang Lucky Me instant noodles. Ang bagong kampanya nito ay ang "No Artificial Preservatives Added (NAPA)." Sa ngayon ay ume-ere na sa radyo at telebisyon ang mga commercial ni Sharon.
Sinabi ni Mega na sa kanilang pamilya ay importante ang pagkain nang tama. Hindi raw umiinom ng softdrinks sina Frankie at Miel, at nililimitahan din niya ang pagkain nila ng junk foods. Kaya't gayon na lang ang pasasalamat niya sa bagong kampanya ng Lucky Me.
"When we did Lucky Me, we took into consideration the nutrition value," sinabi ni Sharon. "And even before the NAPA, all the preservatives [of Lucky Me] were within the Recommended Daily Allowance. So can you imagine my galak when this campaign started? Bilang isang nanay at asawa...it's a cheap alternative considering all the commodities which cost [much] and prices have gone up already."
Dagdag pa ni Sharon, na magdiriwang ng kanyang 30th showbiz anniversary ngayong Agosto, masuwerte raw siya at nasa posisyon na siyang puwede niyang tanggihan ang ibang nag-aalok sa kanyang maging endorser. Alam niya kasing maiuugnay na ang pangalan niya sa produkto, kahit mag-expire na ang kanyang contract bilang endorser nito.
"You won't become a known and trusted endorser unless your public knows you're telling the truth," pahayag ni Sharon. "I'm not perfect but I don't tell lies. I ask a lot of questions, ang arte-arte ko. Kasi mahirap na, e. My face will be stuck on their products forever."
Sa kanilang mga anak, si Frankie ang mahilig sa isda, samantalang si Miel naman ay walang pinipiling pagkain. Ang panganay naman ni Sharon na si KC ay halos walong taon na ring pesco-vegetarian, na ang ibig sabihin ay hindi siya kumakain ng karne ng mammals at ibon.
Mahilig din ang dalawang bata sa gulay. Katunayan, sa isa nilang bahay sa Laguna, talagang excited ang mga bata sa pagpitas ng mga sariwang gulay.
Mahilig din daw mag-camping ang mag-aamang sina Kiko, Frankie, at Miel.
"They do it in our backyard. They have a really big tent, they sleep overnight. Mayroon pa silang gasera, the one that's used for camping, and they cook pork and beans, eggs, the whole thing. Sometimes they would eat by the pool, with banana leaves laid out," kuwento ni Sharon.
Binigyang halaga rin ni Sharon ang pagkain nang sama-sama. Ito rin daw kasi ang natutunan niya mula sa kanyang mga magulang, ang former Pasay City Mayor Pablo Cuneta at si Elaine Cuneta.
"When we're together, then we have to eat together. It's kind of our rule...because I also grew up like that. My father and mother's room had a little dinette, so whenever we'd all be home, automatic doon kami kakain."