Fresh from General Santos City si Robin Padilla nang dumalo siya sa presscon niya bilang celebrity endorser ng Lungcaire Plus ng Macropharma Corporation. Naganap ang product launching sa Annabel's restaurant, Tomas Morato Ave., Quezon City, kahapon, July 17.
Nagkaroon ang PEP (Philippine Entertainment Portal) ng pagkakataon na makausap si Robin bago nagsimula ang presscon sa standby place niya sa Angela Room ng restaurant. Binati muna namin siya dahil sa magandang finale at mataas na rating ng Joaquin Bordado.
Ano ang kasunod niyang gagawin ngayong wala na siyang pinagkakaabalahang taping?
"Tinatapos ko pa po muna ang mga pagpapalang dumarating sa akin!" natatawang sagot ni Robin. "Isa nga po sa pagpapalang dumating itong pag-i-endorse ko ng Lungcaire Plus na alam kong makatutulong sa akin. One month na po akong umiinom nito at napansin kong kahit ako pagod sa trabaho, pakiramdam ko malakas ang baga ko at maayos ang aking paghinga kahit nag-a-action scenes ako.
"Mapapatunayan ko po talaga kung gaano ka-effective sa akin ito kapag nagsimula na akong mag-training para sa susunod kong action-drama sa GMA-7, ang Totoy Bato. Sa ngayon po kasi, nakatatakbo ako ng 20 miles na hindi nakakaramdam ng pagod. Pero 150 pounds lang po ako, kaya hindi ko alam kapag 200 pounds na ako, na siyang requirement weight sa role ko sa Totoy Bato, kung ganoon pa rin ang magiging pakiramdam ko."
MEETING WITH PACMAN. Kinumusta naman ang muling pagkikita nila ng World Boxing Lightweight Champion na si Manny Paquiao, na inimbitahan siyang dumalaw sa bayan nito sa General Santos City?
"Maganda po at muling nabuksan ang tipan ng pagkakaibigan namin ni Manny. Matagal-tagal na rin po kaming hindi nagkakausap dahil pareho kaming naging busy, pero natutuwa po ako sa mga karangalang natanggap niya. Humaba po ang aming pagkukuwentuhan at natuwa ako na marami palang kuwento sa aming dalawa na hindi naman totoo at nagkaliwanagan na kami tungkol sa mga maling balitang ‘yon.
"Pero ibang-iba po pala talaga si Manny, talagang hahangaan mo siya. Personal siyang nag-asikaso sa lahat ng mga tao roon. Siya talaga ang punong-abala kaya mahal siya ng mga kababayan niya. Kahit po umuulan, naroon talaga ang mga tao, libu-libo sila, at hindi sila umaalis.
"Para matupad ni Manny ang pangako niya sa mga kababayan niya na makita ako doon, nag-motorcade na kami mula sa GenSan hanggang sa Saranggani. Kahit umakyat pa kami ng bundok, siguro mga 45 minutes away ‘yon sa GenSan, napakarami pa ring tao!"
Kuwento pa ni Robin, "Nang magkausap kami ni Manny pagkatapos sabi ko sa kanya, puwedeng-puwede pala talaga siyang maging pulitiko. Kung noong araw ay ayoko siyang kumandidato, ngayon, sa nakita kong pag-aasikaso niya sa mga tao, payag na akong kumandidato siya. Biro ko nga sa kanya, bugbugin niya ang mga nasa kongreso. Pero hayaan po muna nating tapusin niya lahat ng mga laban niya."
"TOTOY BATO." Napag-usapan ba nila ang tungkol sa Totoy Bato na sabi'y pagsasamahan nila?
"Hindi pa po ‘yon ang tamang oras at lugar," sagot ni Robin. "Pero sinabi ko na po sa kanya na ‘yon ang plano ng GMA-7, na pagsamahin kami sa Totoy Bato. Sabi ko sa kanya, napakaganda pala ng Gen San at puwede kaming mag-taping doon. Payag naman siya at tinanong niya kung ano raw ang story ng action-drama series. Pero ang nasabi ko pa lang sa kanya, bagay sa kanya ang role dahil siya naman ang tunay na boxer.
"Ang title ng series, si Direk Carlo Caparas na siyang sumulat ng nobela at ang GMA Network, ayos na ‘yon. Twenty percent ng story doon sa unang ginawa ng idolo kong si Fernando Poe Jr., ayos na rin ‘yon. Pero yung 80 percent ng story ay nasa utak ko pa lang, at iyon po ang susunod naming pag-uusapan."
Totoo bang kasama raw pumunta ng GenSan si Katrina Halili?
"Opo," pagkumpirma ni Robin. "Kasi special request raw po ng mga kababayan ni Manny na makita naman nang personal si Katrina doon. Paborito raw po nilang panoorin ang afternoon drama ni Katrina na Magdusa Ka. Nagkaroon po ng maikling show at nagpasalamat din ako sa mga taong pumunta roon para makita lamang kami."
Kuwento ng manager ni Robin, nag-request pa raw ng kiss ang mga tao kina Robin at Katrina. Nag-smack daw naman ang dalawa kaya nagpalakpakan ang mga tao.
FAMILY BONDING. Tuloy ba ang family bonding nila sa Baguio City?
"Hindi na po, dito na lang kami nag-bonding. Kailangan na pong bumalik sa Australia ni Liezel at mga anak naming sina Zhen Zhen at Ali dahil may classes na sila. Sa pag-uwi ko na lang sa Australia for my training, saka namin itutuloy ang bonding naming," pagtatapos niya.
Bukas, July 18, ay may meeting si Robin para sa pelikula niya sa GMA Films, ang Sundo, kung saan makakasama niya sina Sunshine Dizon at Rhian Ramos. Next week, aakyat na sila sa Baguio para sa shooting ng suspense-thriller movie na ididirek ni Topel Lee sa script ni Aloy Adlawan.