Sa pangalawang beses ng pagbabati nina Ara Mina at Cristine Reyes, inaasahan ng marami na mas lalalim at tatatag ang relasyon ng magkapatid. Dumaan na raw kasi sila sa matitinding intriga at pagsubok. Mabuti na lamang at nanaig pa rin ang bigat ng pagiging magkapatid ng dalawa.
Kaya nga sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kamakailan kay Ara ay agad nitong dinepensahan ang nakababatang kapatid laban sa mga usap-usapan na pasaway at primadonna raw sa set ng Eva Fonda ng ABS-CBN si Cristine.
"Siguro ang masasabi ko lang diyan...hindi siya pasaway o
primadonna sa taping. Ipagtatanggol ko sa isyung ‘yan ang kapatid ko. Yung
mga nakakatrabaho niya, lahat nagsasabi sila na mabait ang kapatid ko, pero
pagdating sa love life niya, ‘yan ang di ko na masasagot. Personal na niya
yun. Sana unawain n'yo na lang siya gaya ng pang-unawa na ginagawa ko," bungad
ni Ara.
NOTHING WRONG WITH DENNIS. Ipinakita sa The Buzz a couple of Sundays ago kung paano pinagsabihan ni Dennis Trillo ang media na nakakita sa kanila ni Cristine sa isang event sa Makati. Sinundan ng camera crew sina Dennis at Cristine habang papaalis na ito, matapos na magpainterbyu ng kaunti si Dennis sa kanila. Sinabihan tuloy niya ang camera crew ng The Buzz na huwag silang kulitin ng mga ito. Nasabi rin tuloy ng ibang nakapanood ng ginawi ni Dennis na kung ayaw daw matsisimis ng dalawa ay huwag na lang silang magpakita in public na magkasama.
"Siguro nagulat lang sila. Siguro di nila napaghandaan at
na-shock sila sa press. Actually, hindi ko pa nakakausap ang kapatid ko,
gusto ko nga siyang pagsabihan na wala namang masama kung lumabas sila. Hindi
sila dapat matakot kasi wala namang asawa si Dennis. At saka walang boyfriend
ang kapatid ko, binata at dalaga sila, so walang masama kung nakikita man
silang magkasama. Later on, matututuhan din nila yun," depensa ni Ara at tila
pag-a-advise na rin sa kapatid.
DODIE PUNO. After ma-link kay Gretchen Barretto ay lumabas naman ang pangalan ni Ara Mina na bagong apple of the eye daw ng mayamang businessman na si Dodie Puno. Agad namang nilinaw sa PEP ng aktres ang tungkol sa nasabing isyu.
"Alam ninyo, patahimikin na natin yung tao. Wala akong kinalaman diyan dahil nananahimik ako. Kailangan ko na nga yata ng boyfriend para hindi na ako nali-link kung kani-kanino.
"Si Dodie, ka-partner ko siya sa Osteria, ‘tapos family friend namin siya. Siguro isa ako sa matatawag na kaibigan niya na wala talagang malisya at all, kasi kilala ko rin yung dating non-showbiz girlfriend niya.
"Alam ninyo kung anuman ang nangyari sa kanila before [Dodie and Gretchen], wala akong kinalaman dun. Hindi ako nakikialam, so, sana huwag naman akong idamay para i-divert yung issue. Maraming kilala si Dodie pero huwag naman sana ako ang i-link sa kanya porke't wala akong boyfriend. Maawa naman kayo sa akin."
