Nagkaroon ng one-on-one interview si Raymond Gutierrez at si JC de Vera, isa sa mga talent ni Annabelle Rama, sa Showbiz Central kahapon, July 20.
Bungad na tanong ni Raymond kay JC, ano ba talaga ang masasabi niyang relationship nila ng young actress na si Yasmien Kurdi?
Ayon kay JC, "Ang masasabi ko, hindi lang kami friends. Alam n'yo yung parang may special something?"
Diretsong tinanong ni Raymond na kung hindi sila friends lang, sila na ba ni Yasmien?
"Hindi, we're not friends, we're more than friends. O, bago yun!" natatawang sabi ni JC.
Would he say na kilalang-kilala na talaga nila ni Yasmien ang isa't isa?
"Oo! Lalong-lalo na pagdating sa work. Sobrang kumportable na namin sa isa't isa. Kumbaga, hindi na kami nahihiya sa isa't isa. Mas madaling magtrabaho, mas madaling umarte kapag kaeksena ko siya. Ang alam ko, same rin sa kanya, ganoon din siya sa akin."
Bagamat matagal na silang magkatambal sa telebisyon, unang pelikula nina JC at Yasmien ang Loving You ng Regal Entertainment. Ayon kay JC may kissing scene sila rito ni Yasmien na umabot ng one minute.
Bukod sa kanilang kissing scene, may balitang nagpakita rin daw sila ng katawan sa beach scene nila?
"Hindi naman daring talaga, pero yun nga, nag-e-explore lang din kami kung kaya kong mag-topless at siya naman, mag-two-piece," saad ni JC.
IS YASMIEN JEALOUS OF MICHELLE? May balitang pinagselosan daw ni Yasmien ang kissing scene nila ng dating girlfriend na si Michelle Madrigal noon sa pelikula nilang My Monster Mom. Totoo ba ito?
"Hindi naman...hindi naman," paglilinaw ng binata. "Alam din naman niyang work lang sa akin ang lahat. Naririnig ko kasi na parang pinag-aaway raw sila, pero nakausap ko naman si Yasmien at sinabi niyang hindi naman daw. Kumbaga, happy lang din daw siya para sa akin. At least, hindi raw ako nai-stuck sa isang loveteam lang. Naipapareha rin ako sa ibang leading lady."
Ayon kay JC, after nilang maghiwalay ni Michelle, three years daw silang hindi nagkasama. "Ngayon naman, nag-uusap kami. Hindi ko naman masasabing tulad ng dati, pero kumportable na rin akong katrabaho siya. Kahit paano, okey na kami."
NEW LEADING LADY. Bukod kina Michelle at Yasmien, nali-link din ngayon si JC kay Rhian Ramos, na makakatambal niya sa soap opera na La Lola.
"Nakatrabaho ko na rin naman ng isang beses si Rhian, I think magkakasundo kami. Magaling si Rhian, magaling siya. Pero yun nga lang, hindi ko pa kasi nasusubukan sa isang show na magka-partner kami, so hindi ko pa rin alam kung ano ang mga adjustments na kailangang gawin.
Ano ang sinabi ni Yasmien kay JC nang malaman nito na after Loving You, baka matagal pa bago sila magkatrabahong muli?
"'JC, mami-miss kita,'" biro ni JC. "Well, hindi siya nagsasabi ng mga tungkol sa ganoon. Pero mararamdaman mo sa kilos niya na nade-depress siya. Like, ‘Uy, si JC, partner kay Rhian, hindi na kayo magkakasama.' Pero hindi siya nagre-react tungkol doon. Siyempre, maraming isyung maglalabasan. Ayaw na niyang palakihin. So, mas maganda kung hindi na lang siya magsalita."
Pero sino ba talaga ang pinakamalapit na babae sa puso ni JC?
"Naku marami!" tawa niya. "Pero sa ngayon, wala pa naman akong ibang nakakasama. So siguro, masasabi kong si Yas pa rin. Si Yas pa rin ang pinakamalapit."
