Matapos makasama ang anak na si Kylie sa katatapos na fantaseryeng Joaquin Bordado, makakatrabaho naman ng action star na
si Robin Padilla ang isa pa niyang anak na babae, si Queenie, sa susunod niyang
TV project na pinamagatang Totoy Bato.
Sa press conference ng bagong produktong kanyang ini-endorso, ang LungCaire, inihayag ni Robin na makakasama niya ang kanyang mas nakatatandang dalaga sa TV adaptation ng pelikulang Durugin si Totoy Bato (1979).
Bagamat hindi pa sigurado si Binoe, mas kilalang tawag kay Robin sa showbiz, kung ano ang magiging role ng kanyang anak, ibinalita naman niya na seryoso ang ginagawang paghahanda ni Queenie.
"Tuluy-tuloy naman ang ensayo niya. Graduate naman siya ng workshop sa ABS-CBN, so handa si Queenie," pahayag ni Binoe.
Bukod sa pag-arte, kilala rin ang dalawang dalaga ni Binoe bilang mahusay sa Muay Thai.
Kaya naman nang tanungin si Binoe sa isyu ng pakikialam niya sa showbiz careers ng kanyang mga anak kung talent fee ang pinag-uusapan, naging totoo si Binoe sa kanyang sagot.
"Dapat lang dahil 'yong mga anak ko," tugon ni Robin. "Hindi dumating sa kanila iyon ng walang alam. Dumating sa kanila 'yon, properly trained. Hindi lang sa Pilipinas trained iyan, hindi lang sa Australia. Kung saan-saan silang lupalop ng mundo nanggaling para lang sa pag-aartista nila.
"So, kung ano man iyong hinihinging talent fee, 'yon ay iyong karapatdapat lang. At hindi rin naman iyon mataas, hindi rin naman dapat mababa."
NO TO REMAKE OF DEAR HEART. Matatandaan na nagkaroon ng balak ang Viva Film na gawan ng remake ang isa sa mga sikat na Sharon Cuneta movie, ang Dear Heart. Dagdag pa, isa sa mga napupusuang gaganap ng role ni Sharon ay ang 17-year-old na si Queenie.
Ngunit nang lumabas ang balitang ito, mariing tumutol ang Megastar na noo'y 15 years old lamang nang ginawa ang pelikula.
Sa isang interview, pinaliwanag ni Sharon, "I have nothing against Queenie. My God, she's a very nice and beautiful girl at alam naman niyong naging special friends kami ni Robin. But sad to say, you know how sacred and very personal ang Dear Heart sa akin."
Dahil na rin sa pahayag na ito, hindi na pumayag pa ang dating leading man ni Sharon—sa mga pelikulang Maging Sino Ka Man (1991)at Pagdating ng Panahon (2001)—na gawin ng kanyang anak ang remake ng nasabing pelikula.
Ayon sa paliwanag ni Robin, "Pinipilit siyang [Queenie] gawin pero ako, ayaw ko, siya ayaw din niya. Kasi ayaw ni Ma'am [Sharon Cuneta] , e. Nirerespeto ko si Ma'am."
Dagdag pa niya, "Ang usapin noon ay ayaw ipagawa ni Ma'am 'yon, so dapat huwag naming gawin kasi respeto 'yon. 'Yong Dear Heart, sa kanya 'yon."
Gayundin, hindi na rin daw pa kailangang pakiusapan pa si Megastar pagdating sa usaping ito. Sa katunayan, paulit-ulit nitong sinabi, "Hindi po, hindi po, ayaw ko. Masyado kong mahal si Ma'am. Hindi namin pag-uusapan 'yong mga bagay na ganun."
Bilang huling karagdagan, sinabi pa ni Binoe, "Ke mag-usap kami ni Ma'am o hindi, ang sinabi ni Ma'am, parang sinabi ng reyna 'yon. Hindi dapat mabali."