Tinawagan ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Mylene Dizon para batiin sa pagkakapanalo niya bilang Best Actress sa nakaraang Cinemalaya Philippine Independent Film Festival para sa pelikulang 100. Medyo hindi pa raw nakababawi ng tulog ang aktres dahil pagkagaling niya sa Hong Kong, tumuloy na siya sa Cultural Center of the Philppines (CCP) para sa awards night.
"Namakyaw ako ng mga materyales sa Hong Kong para sa bago kong business. I'm into manufacturing leather cases for laptops. Iba na rin kasi yung kahit paano, may pinagbubuhusan ng kinikita," saad ni Mylene.
Nagawang epektibo ni Mylene ang pagganap niya bilang babaeng may cancer sa 100, ang obra ni Chris Martinez, na tumatalakay sa pagharap sa kamatayan, dahil na rin sa personal experiences ng aktres.
"When my father died, it was Christmas Day," pagbabalik-tanaw ni Mylene. "Kaya siguro ganito ako ka-strong tingnan, kasi namatay ang father ko sa araw na kailangang nagsasaya kami at naghahanda, pero yun nga ang nangyari.
"He also died of cancer. Natatandaan ko na walang ospital na titingin sa dad ko para sa requirements ng death certificate, kasi nga holiday yun, e. So I decided to bring him to Pampanga, doon sa relatives namin doon. May kasama akong nagpalit-palit kami sa pagda-drive. Pero when it was my turn to look after the corpse, humiga talaga ako sa tabi niya, kinausap ko siya. Doon ko sinabi ang lahat-lahat ng nasa loob ko," kuwento ni Mylene.
Through her own experience, walang dudang may pinaghugutan ng mas malalim na emosyon si Mylene, lalo na sa award-winning role niya bilang successful career woman who's stricken with a terminal disease.
Kinabukasan after her Cinemalaya victory, she decided to go out with her son, Tomas, and her former lover who's also the father of her son, si Paolo Paraiso.
PAOLO'S DARING ROLE. Nabanggit namin kay Mylene na malaki ang improvement ni Paolo sa akting sa indie film na Imoral. Gumanap bilang bisexual lover ng isang gay at isang babae na nag-decide sa set-up na magsama-sama sa iisang bahay si Paolo, at game na game ang aktor na nakipaglaplapan kina Katherine Luna at Arnold Reyes.
"Nagulat ako sa ideya dahil hindi ko akalaing tatanggapin ni Paolo ang ganoong role," sabi ni Mylene. "It's not that I'm being prude or something, pero ang feeling ko, pagsisisihan niya ang ginawa niya. Yeah, it may only be a role, pero may repercussions din 'yan. Something which I have been experiencing after I did Rome & Juliet, where I portrayed the role of a lesbian.
"Medyo may pagsisisi talaga sa akin, and I realized that after doing the film. Pero anyway, nariyan na 'yan. I just have to look at it as something na dapat ding pagdaanan ng mga artistang gaya namin."
Ganoon din kaya ang nararamdaman ni Mylene kapag nakikipag-kissing scene sa babae si Paolo? Gaya sa Imoral, bigay na bigay rin ang sex scenes nila ni Katherine roon.
"Don't get me wrong. It's not the gay theme. It's more of me, as what I have experienced. Yun lang. Kasi naisip ko, yung anak namin, magtatanong na 'yan. Lalo kung may mga nagsasabi na sa kanya. Napakabata pa niya para pagpaliwanagan tungkol sa mga bagay na 'yan," paliwanag ng aktres.
Abala si Mylene ngayon para sa isang pelikula, ang Civil Status: Single, para sa Viva Films, kung saan isa sa mga bida ay si Rufa Mae Quinto. Magkaganoon man, masasabi pa ring masuwerte ang pagiging daring ni Mylene para gumanap ng iba't ibang klaseng roles, na normally ay hindi naibibigay sa mas malalaking artista.