Kahit na hindi ganoon kaaktibo sa paggawa ng mga pelikula at sa mga programa sa telebisyon, obvious namang hindi nawawala sa sirkulasyon si Gretchen Barretto. Sa halos linggu-linggo ba namang mga isyung lumalabas tungkol sa aktres, talagang laging in the news sa mga showbiz talk shows at showbiz columns si Gretchen.
Nitong kamakailan nga ay napanood si Gretchen sa Maalala Mo Kaya. Marami ang napahanga na kung acting lang daw ang pag-uusapan ay masasabing malaki na ang improvement at inangat ni La Greta.
BACK TO ACTING. Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa kontrobersyal na aktres, sa dedication and birthday party ng pamangking si Rodrigo Santino B. Santiago, sinabi niya sa amin na isang pelikula nga ang gagawin niya under Star Cinema. Nang tanungin ng PEP kung ang pelikula bang ito ay yung nababalitang kasama niya si Bong Revilla, hindi nagbigay ng kumpirmasyon si Gretchen.
"'Di pa napag-uusapan kung sino ang kasama ko pero siyempre under Star Cinema, because mayroon akong one-picture contract with them.
"Gusto ko muna kasing makita yung istorya and dun natin
malalaman kung sino ba ang dapat sa role. Ayokong mamili ng leading man
‘tapos saka pa lang pipiliin yung istorya. Ayoko na ng pa-cute na
pelikula, siyempre dapat medyo matured na, but love story."
For Gretchen, isang magandang experience ang papel na ginampanan sa nasabing MMK episode. Maraming positibong feedback ang kanyang tinaggap, na ayon sa aktres, ay hindi niya naranasan dati.
"Kinabuksan, ang daming nag-text sa akin, sunud-sunod, congratulating me. Ang sarap, kasi ngayon ko lang na-experience yun! Thank you sa lahat ng magagandang reviews na binibigay nila sa akin. Sulit lahat ng puyat at iyak ko.
"Mayroon talaga akong kaba sa umpisa nung taping na.
Pagdating kasi sa Tagalog at umiiyak ako, dun ako napapalpak, nabubulol ako
kaya ang ginawa namin, parang nag-therapy muna ako ng Tagalog ko, lumabas naman
nang maganda."
POSITIVE REACTION FROM TONYBOY. Naging positibo naman daw ang reaksyon din ng live-in partner niya na si Tonyboy Cojuangco sa acting na pinakita ni Gretchen sa nasabing episode. As for her daughter Dominique's reaction, hindi naman nito napanood.
"Sabi ni Tonyboy, ‘Wow, ang galing mo na ngayon! Nag-improve
daw. Si Dominique naman, di niya naiintindihan at di niya rin
napanood. Magagalit yun kasi may kissing scenes."
Nang tanungin ng PEP kung okey ba sa kanya ang paggawa ng mga teleserye, isang pagtanggi ang sagot ng aktres.
"Hindi ko yata kakayanin yung sked na three times a week, ‘tapos 24 hours a day ang taping. Parang wala na akong buhay nun kasi the next day, matutulog ka na lang. Parang gusto kong maging maganda pa rin, may career, pero maganda pa rin.
"'Pag pelikula kasi at least nati-thread mo yung sked mo
kahit papaano."
CREDIT CARD ISSUE. Isa na ngayong running joke para kay Gretchen ang kinasangkutan niyang "credit card issue" kamakailan.
"Oo, lumabas na kami after that incident. Ang credit card
ko, oo, reding-ready na uli, bago na, pinalitan na, puwede na uling
gasgasin. Yung cash sa pitaka ko, pareho pa rin, P3,000. Minsan P1,000,
siguro ugali ko na rin yun so ‘di ko na mababago. I make sure na yung mga kaibigan
ko maraming cash. Sabi ko nga, ‘Sige, ‘pag naputulan uli ako ng card,
nagasgas, sila ang magbayad."
ANGEL AND CLAUDINE. Nang hingan ng PEP ng opinion niya hinggil sa nalalapit na pagbabati nina Angel Locsin at ng kapatid niyang si Claudine, positibo naman ang sagot ni La Greta.
"Yun ang wish ko, na magkaayos sila. Alam mo itong business na ito, we all have room naman for new talents. Basta may talento ka, welcome naman sa show business."
