Sa wakas, may claim to fame na ang young actress na si Ynna Asistio dahil napansin siya ng marami sa indie film na Concerto sa nakaraang Cinemalaya Philippine Independent Film Festival. Mahusay sa pagganap ni Ynna sa Concerto, bilang isa sa pinakabata sa isang may kayang pamilya sa Davao noong panahon ng pananakop ng mga Hapones sa bansa. Ngunit ang nakahuli rin sa atensiyon ng mga manood ay ang pambihira niyang ganda talaga sa big screen.
Kung tutuusin, ilang taon na ring nagsisikap na gumawa ng sariling pangalan sa showbiz ang anak nina dating Caloocan City Mayor Macario Asistio at Nadia Montenegro. Pero mukhang ngayon lang mabibigyan ng partida si Ynna dahil nagmarka na nga ang pagiging artista niya sa pamamagitan ng isang magandang indie film.
"Tuwang-tuwa talaga ako sa positive feedback," sabi ni Ynna sa PEP (Philippine Entertainment Portal). "Kahit po hindi masyadong napansin ng judges ang pelikula, still, nakatataba ng puso na marami pa rin ang nakaka-appreciate sa pinagpaguran namin.
"Dumaan pa po kami ni Jay [Aquitania] sa auditions para lang sa roles na na-assign sa amin. Kaya talagang very fulfilling ang experience namin sa paggawa ng indie movie," nangingiting dugtong niya.
FULL-TIME STUDENT. Nakatutok ngayon sa pag-aaral si Ynna. Nasa first-year college siya sa Centro Escolar University, taking up Mass Communications.
"Hindi pa rin po ako pupuwedeng mag-full blast sa showbiz. Ang regular exposure ko lang, yung sa Bubble Gang. Isang araw lang for a week ang taping namin doon, at madali lang gawin yung gags. Talagang ang gusto ng parents ko, pag-aaral ang atupagin ko.
"Enjoy na ako sa ganoon dahil lumalabas ang pagka-komedyante ko doon [Bubble Gang]. Ibang Ynna naman ang mapapanood doon. At saka alanganin din kasi ang age ko, napakabata pa kung magma-mature roles na ako, kaya ganoon lang ang pupuwede kong gawin sa ngayon," lahad ng young actress.
BEING LINKED TO MARK. Sa dating soap opera ng GMA-7, Mga Mata ni Anghelita, na-link sila ng kapareha niya ritong si Mark Herras. Hanggang ngayon, hindi namamatay ang tsismis sa kanila.
"Kasi si Mark, parang kuya ko na 'yan," paliwanag ni Ynna. "Hindi 'yan makakapunta sa bahay namin kung alam ng dad ko na nanliligaw siya sa akin. As in, wala talaga. Hindi naman din lulusot sa mommy ko yung ganoon.
"Kung manliligaw sa akin ang kahit sino, naku, he has to face the wrath of my dad! Not for anything else, pero istrikto kasi talaga siya. Ito ngang pag-aartista ko, hindi niya ako papayagan kung nag-suffer lang yung grades ko at hindi ako naka-graduate sa high school.
"Okey sa dad ko ang pag-aartista ko, for as long as nakakapag-concentrate pa ako sa pag-aaral. Once na pumalya ako sa school, tapos na ang maliligayang araw ko sa showbiz."
Nagulat kami nang sabihin ni Ynna na wala talagang nanliligaw sa kanya, kahit pagpaparamdam lang.
"Hindi ko kasi iniisip, kung may nagpaparamdam man. Kasi, naka-focus ako sa studies. Sa totoo lang po, nakakapagod ang ganitong trabaho, 'tapos I still have to go to school. Pero talagang gusto kong makatapos ng pag-aaral, and at the same time, ayoko rin pong i-give up ang pag-aartista ng ganoon lang," pahayag ni Ynna.
Sa Starbucks ng ELJ Bldg. ng ABS-CBN na-interview ng PEP si Ynna. Kagagaling lang daw niya sa Wowowee!, at doon daw kasi ang meeting place nila ng isa sa mga kapatid ni Nadia.
"Maaga lang kasi ang labas ko sa school. Mga 2 p.m. pa lang, labasan na namin. Kaya dito ko na lang hinihintay ang auntie ko, at sabay na kaming umuuwi.
"Kaya lang, talagang Kapuso ako. May time na parang nagugustuhan na rin nila ako dito bilang Kapamilya sana, pero nasanay na ako sa GMA-7. Parang doon na ako lumaki. Kung dito kasi, baka mahirapan din akong mag-adjust. But that doesn't mean sarado na ang doors ko sa ABS-CBN. Hindi naman natin alam ang pupuwedeng mangyari. But so far, masaya na po ako bilang Kapuso," pagwawakas ni Ynna.