Nagbubunga ang pagkakakilanlan kay Coco Martin sa indies dahil sa mainstream TV, napapakinabangan ang husay niya sa Ligaw na Bulaklak ng ABS-CBN. At least, marami na ang nakakakilala talaga sa kanya. Sa latest Cinemalaya indie hit na Jay, hindi rin nakaligtas sa marami ang husay na ipinamalas ni Coco, kahit si Baron Geisler talaga ang totoong napansin doon.
"Masaya ako para kay Baron, at sa buong pelikula, dahil parang nanalo na rin ako sa awards na napanalunan ng movie," sabi pa ni Coco nang makausap ng PEP (Philippine Entertaiment Portal).
EXTREME COCO. Boytoy na naman ang papel na ginampanan ni Coco sa Jay, at walang takot ang aktor na ma-typecast na nang husto sa ganitong klaseng papel.
"Hindi naman ako basta boytoy lang doon. Ako yung ex-boyfriend ng murder victim. Bale pangatlo ko pa lang naman ito sa ganoong klaseng role, pero may pagkakaiba naman. Una, sa Masahista, then, doon sa Daybreak.
"Nangyayari lang na ganoon ang impression, na parang boytoy na lang ako ng gay sa pelikula, kasi, tumatatak. Pero, I honestly believe, iba-iba pa rin ang ginagawa kong roles," sabi ni Coco.
Sa indie film na Nars, siya naman ang gumanap na gay roon. In other words, sa indies, Coco goes extreme. Iba't ibang klaseng roles ang naibibigay sa kanya na karamihan ay very edgy.
"Hindi ako natakot. Nakaganap na ako ng role na bading, and it's just a role. I enjoy doing any kind of role. Walang problema roon," banggit na lang niya.
FRONTAL NUDITY. Hanggang ngayon ay pinag-uusapan pa rin ang naging conflict daw sa kanila ni Direk Dante Mendoza kaugnay ng frontal nudity niya sa Serbis.
"Mayroon talagang frontal nudity, pero konting misunderstanding lang yun with Direk Dante," sabi pa ni Coco.
"Okey naman kami. Napag-usapan na namin ‘yan noong nasa Cannes pa kami. Gusto ko pa ring makatrabaho siya. Nagkaroon ng personal talk sina Noel [Ferrer, his manager] at Direk Dante tungkol sa bagay na 'yan, at naayos na 'yan.
"Kung anuman yung frontal nudity na nakunan, for international na lang yun, at huwag nang ipakita sa commercial run. Napagkasunduan talaga 'yun," sabi pa ni Coco.
NOT A BIG DEAL. Pero, may posibilidad na kumalat pa ang mga eksenang 'yan sa pirated tapes. Mas mabuti na yung ipinalabas na lang sa commercial run.
"Kung mangyayari yun, ano rin ba ang magagawa ko? Kasi, yung frontal na yun, it's not really a big deal. Ang importante roon ay yung buong pelikula. Gaya roon sa ginawa ni Baron sa Jay, di ba? Hindi yun dapat ang big deal doon," napapailing na sabi ni Coco.
Bahagi raw yun ng trabaho niya bilang artista. Hindi siya nagpakita ng maselang parte ng katawan niya dahil lang sa point na kailangang magpakita siya.
"Naiintindihan ko yung ginagawa ko. Dapat ay wala nang isyu sa mga ganyan. Kung nagawa ko yun para sa pelikula, yun na 'yon. Katawan lang naman 'yan, e. After that, makakalimutan din ng mga tao. Ang importante, tumatak sa kanila yung kabuuang pelikula at yung pagganap mo roon," katuwiran niya.
CONSERVATIVE PINOYS. Sa rami ng nagawang magagandang pelikula ni Coco, sa pagtanda niya, may mga makita man sa kanya roon na maselang bahagi ng katawan niya, magiging proud pa rin siya.
"Hindi lang naman ako ang gumawa ng ganoon. Sa Hollywood nga, ang daming magagaling na artista na nakagawa ng ganoon, at hindi naman big deal yun. Ako pa kaya?
"Masyado lang na conservative na ewan ang maraming Pinoy. Porke may nakita, hayun, big deal na. Hindi naman ako matinee idol na may wholesome image. Kung ano ang realistic na pupuwedeng ipakita sa pelikula hindi ko na dapat katakutan pa," pahayag ng binata.
MOVIE WITH ROSANNA. May pinaplanong isang pelikula kasama si Rosanna Roces. Sana nga raw, matuloy ito.
"Digital film yun. Nakaka-excite, kasi, Rosanna Roces pa rin yun. Para makatrabaho ko ang isang mahusay na artista.
"Kung may umaatikabong sex scenes 'yan, okey lang. Iba-iba naman kasi ang naipapagawa sa mga gaya naming artista. Dapat sigurong asahan 'yan, kasi, kami lang yung kokonting matatapang talaga.
"Aba, e, kung mawawala pa kami, puro wholesome na lang ang mapapanood! Hindi naman din dapat ganoon. Dapat ay may choices din ang mga manonood," sabi ni Coco habang natatawa.