Isang dahilan ng pag-uwi ng mag-asawang Dingdong Avanzado at Jessa Zaragoza sa Pilipinas ay upang ipagpatuloy ang pagbibigay nila ng tulong sa dalawang charity foundations. Ito ay ang Make A Wish Foundation at World Vision Philippines na tumutulong sa ilang mga kabataan sa kanilang pag-aaral.
Nag-turn over sina Dingdong at Jessa ng malaking halaga sa mga naturang foundations mula sa kinita ng birthday party/concert ni Dingdong na Dingdong@40 na ginanap noong July 5 sa Teatrino Greenhills.
Kuwento ni Dingdong sa PEP (Philippine Entertainment Portal), ang pera na kanilang ibinigay ay galing sa mga kaibigan at ilang kapamilya nilang mag-asawa na pumunta sa kanyang birthday concert.
"Hindi naman namin sila inobliga na magbigay," sabi ni Dingdong. "Alam naman nila na kami ni Jessa ay active sa pagtulong sa dalawang foundations na ito. Nasa kanila naman ‘yon if they want to give their contribution.
"Nagulat nga kami ni Jessa na naka-raise kami ng gano'ng klaseng amount. Hindi namin ini-expect na lahat ng mga inimbitahan namin for my birthday show ay kusang-loob na nag-contribute. Kaya tuwang-tuwa kami because marami na naman kaming mga batang matutulungan with the amount na nai-turn over namin."
EXTENDED STAY. Nabanggit din ni Jessa na medyo magtatagal pa raw silang mag-asawa rito sa Pilipinas dahil sa sunud-sunod na shows na gagawin nila. Tinatapos din ni Jessa ang kanyang bagong CD na hopefully ay mai-release before the year ends.
"Matagal na kasi yung album na ‘yan talaga. May mga five songs na akong nai-record at gusto ko ay tapusin ko na within the month of August," saad ni Jessa.
"Yung last solo album ko ay noong 2003 pa kasi, ‘tapos may ni-release kaming album ni Dong noong 2005 bago kami nag-migrate sa US. So, nami-miss ko na ang recording. Although every now and then ay may show kami sa ilang Filipino communities sa U.S., still, iba yung may album ulit ako. Sana nga bago matapos ang 2008 ay matapos na.
"Nagiging problema lang kasi namin ay schedule. Kasi nga, biglang may papasok na show sa U.S. kaya kailangan naming umalis ni Dong, pero babalik naman ulit kami dito sa atin. Mahirap naman kasing tanggihan ang mga kababayan natin na gustong ma-entertain ng mga tulad naming local entertainers. Talagang sabik din sila sa mga Pinoy performers," kuwento ni Jessa.
Dahil sa pagbibigay-saya nina Dingdong at Jessa sa mga Pinoy communities sa U.S., itininanghal silang Male & Female Entertainers of the Year ng Gawad Parangal 2008 na ginanap sa Sacramento, California.
"First time ko na maka-receive ng ganitong award," ngiti ni Jessa. "Nasanay na ako sa mga awards bilang female vocalist, or noong araw na mga gold and platinum album awards. Ngayon, bilang entertainer na at kasama ko pa si Dong. It only means na appreciated ng mga kababayan natin ang pagbibigay saya namin sa kanila."
GUAM TOURISM. As for Dingdong, may balak din siyang gumawa ng bagong album pero mahirap na raw na magsabay sila ni Jessa ng ginagawa. May pinagkakaabalahan naman daw siyang tourism business in Guam.
"Actually, kami pa ring mag-asawa ang involved sa business na ito sa Guam. Tumutulong kami sa pag-boost ng tourism in Guam. Marami na kasing mga Pinoy na nakatira sa Guam and parang at home ka rin doon kasi everywhere you go, mga Pinoy ang masasalubong mo.
"Our office there wants to sell Guam as a friendly tourist destination tulad ng Pilipinas, na friendly lahat ng mga tao at maraming magagandang makikita. Since pareho na kaming mga green-card holders ni Jessa, we can work there and and in the US Mainland," sabi ni Dingdong.
Kasama nina Dingdong at Jessa rito sa Pilipinas ang kanilang five-year-old daughter na si Jayda. In-enroll na raw nila ito sa isang kinder school on a monthly basis dahil anytime ay puwede silang bumalik sa U.S. at para hindi na rin sila mamroblema sa pag-aaral ng kanilang anak.
"May special arrangement naman kami with the school at okay naman sa kanila ‘yong pinag-usapan namin," paniniguro ni Jessa. "Anytime kasi puwede kaming umalis, pero gusto nga namin ay magtagal pa. Nage-enjoy na nga si Jayda rito kasi may mga kaibigan na siya.
"Tatapusin lang naman lahat ng commitments dito sa Pilipinas bago kami bumalik sa U.S. Na-miss namin kasi ang mag-work dito at natutuwa kami ni Dong sa magandang pagtanggap ng marami sa amin ulit. Kahit na nahaluan pa ng intriga, still, nakaka-miss na nandito ka sa sariling bansa."
