Hindi natuloy ang first shooting day ng pelikulang pagsasamahan nina Robin Padilla at Katrina Halili na may titulong Sundo sa ilalim ng GMA Films. Ayon kay Binoe, may inayos pa raw sa script ng pelikula kaya na-pack up ang first-day shoot nila.
Kuwento pa ni Robin sa PEP (Philippine Entertainment Portal), akala niya noong una ay love story ang Sundo, yun pala ay isa itong horror movie.
"Akala ko nga love story, e!" tawa ni Robin. "Kung love story sana, okay lang na walang script-script. Sige mag-shooting na tayo at sanay na tayo sa love story.
"E, sinabi sa akin na horror pala. Kaya sabi ko na basahin ko muna ang script para mapaghandaan ko. Gusto ko munang pag-aralan ang character ko bago ako isabak, di ba? Nakakahiya naman kung basta na lang ako mag-shooting na hindi ako preparado.
"Pero sabi ko nga, kung love story ‘yan, okey lang kasi alam ko na kung paano ang atake, lalo na't kasing sexy at kasing ganda ni Katrina ang makakasama ko. E, kasi horror pala kaya pag-aralan ko muna," paliwanag ng action superstar.
Nabanggit ni Binoe na choice niya talaga si Katrina na makapareha sa Sundo dahil bukod sa maganda at sexy ang young actress, mabait at marunong din itong makisama.
"Nakasama ko kasi si Katrina sa isang event sa Mindanao at okay naman pala siya. Akala ng iba na mataray siya, pero mabait na tao pala itong si Katrina. Nakita ko kasi kung paano siya makisalamuha sa maraming tao at gustung-gusto siya. Ako naman, marami na akong mga artistang babaeng nakasama at mahuhuli mo ang mga ugali nila kapag nasa marami na silang tao, e.
"Si Katrina, nakita ko na marami siyang tagahanga at sobra kung paano niya i-accommodate ang mga ito. Kaya para sa akin, tama lang na si Katrina ang partner ko. Gusto ko kasing makatrabaho ang isang artista na may magandang puso para sa maraming tao," pahayag ni Robin.
ROBIN'S SCHOOL. Sa ibang kaganapan, nagkaroon ng contract signing si Binoe kasama si Dante Liban ng Couples For Christ (CFC) last August 6 sa Fairview, Quezon City, kaugnay ng Liwanag ng Kapayapaan Foundation, na nagbibigay ng libreng edukasyon sa mga kabataan.
Ginawa na ngang eskuwelahan ni Binoe ang kanyang malaking bahay sa Fairview para sa mga batang hindi maka-afford ng pag-aaral sa regular na paaralan. Noong una ay mga Muslim children lang ang puwedeng mag-enroll, pero ngayon ay tumatanggap na sila ng mga batang iba't iba ang relihiyon.
"Bukas ang eskuwelahan na ito para sa maraming bata," sabi ni Binoe. "Dahil nga sa tulong ng CFC, kakayanin na namin ang maka-accommodate ng mas marami pang mga bata na gustong mag-aral talaga. Isa ito sa mga adhikain ko sa buhay na simulan natin sa mga bata ang pagtulong. Kaya ang pagbigay sa kanila ng tamang edukasyon ay malaking concern ko."
Kuwento ni Binoe, ang idea na magtayo ng eskuwelahan ay galing sa mga anak niya na tumatayong mga nanay-nanayan ng mga bata sa kanilang paaralan.
"Itong bahay kasi, balak na naming ibenta talaga. Pero suggestion nga nina Kylie at Queenie na bakit hindi na lang naming gawing school para sa mga batang gustong mag-aral pero hindi maka-afford. Mukhang maganda ang idea nila kaya inayos namin lahat ng mga papeles para maging isang maayos na school ang bahay na ito.
"Ngayon, hindi ko na mabilang ang mga batang naka-enroll at may mga nag-e-enroll pa rin hanggang ngayon. Ang mga anak ko ang parating nandito para asikasuhin ang lahat. Ako naman, dumadaan ako sa school kapag may time tayo. Dito na rin ako nagre-relax lalo na kapag sunud-sunod ang trabaho natin.
"Kaya malaki ang pasasalamat ko sa CFC dahil sa malaking tulong nila sa aming foundation at isa nga sa pangarap ko ay makatulong pa sa maraming bata in terms of education sa iba't ibang lugar sa Pilipinas. Pero ngayon, simulan ko muna dito sa maliit at hintayin natin ang pagkakataon na lumaki pa ito."
TOTOY BATO. Naghahanda na rin si Binoe para kanyang bagong show sa GMA-7, ang Totoy Bato. Kung sa Joaquin Bordado raw ay nagbagsak siya ng timbang to 150 lbs. Dito sa Totoy Bato ay kailangan niyang magdagdag ng timbang.
"Kailangan ko ma-reach ang 175 lbs. Kasi boksingero ang gagampanan ko sa Totoy Bato at kailangan bato-bato talaga ang katawan ko. Kailangan mas malaki ang katawan ko kesa sa naging build ko sa Joaquin Bordado.
"Ngayon, hindi pa naman ako nagte-training. Napapagod ako ngayon sa kakakain! Walang diet-diet ngayon sa akin ngayon!" tawa ni Robin.
"Kung ano-anu na ang kinakain ko para ma-reach ko ang 175. Ngayon ay 169 pounds na ako, kaya ilang pounds na lang ang kulang. Kapag na-reach ko na ‘yon, doon na ako magte-training na. Kailangang pumuputok ang mga muscles ko bago ako magsimula for Totoy Bato. Kaya ibang Robin Padilla na naman ang mapapanood nila. Mas malaman na ako ngayon," pagtatapos ni Robin.
