Hindi napigilang maiyak ni Mariel Rodriguez sa bonggang birthday celebration na ibinigay sa kanya sa Entertainment Live! ng ABS-CBN noong Sabado, August 9. Ilan sa mga bumati kay Mariel ay ang kanyang pamilya at mga kaibigan. Pero ang actual birthday ni Mariel ay kahapon, August 10; she's now 24 years old.
"Na-touch ako kasi siyempre ‘pag first time naman, di ba, yung mga words na sinasabi, hindi naman ‘yan yung mga normal words na naririnig mo na regularly? So, nakakataba talaga ng puso hearing from the people you love, like my lolo, my lola, and then my friends. Mga best friends ko na sina Koko at Anton [classmates ni Mariel since high school at schoolmate sa La Salle].
"So, talagang super humagulgol ako nang bonggang-bongga. Sabi ko nga, ‘Last birthday ko na ba ito?' At si Claudine [Barretto]! Hindi kami close. Super fan niya ako. Love na love ko siya. I don't believe it! This is it! Kaya baka last birthday ko na ito... Lahat ng baraha, binigay na natin dito," saad ni Mariel nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) pagkatapos ng Entertainment Live.
Isa sa pinaka-sorpresa ng Entertainment Live! kay Mariel ang personal na pagbati ng rumored boyfriend niyang si Zanjoe Marudo, na kasalukuyang nasa ibang bansa, via phone patch.
"Wish ko na palagi kang maging masaya dahil isa kang mabait na tao. Marami kang natutulungan tulad ko. Basta nandito lang ako," pahayag ni Zanjoe na kasalukuyang nag-iimpake habang nagbibigay ng mensahe kay Mariel.
Ginantihan naman ni Mariel ang mensahe ni Zanjoe. Aniya, "Good luck sa mga shows ninyo [Cover Boys]. I heard marami pa silang show. Pero bumalik na kayo. Ano ba? Ang tagal, I'm so bored!"
"Babalik na ako," sagot naman agad ni Zanjoe kay Mariel.
Sobrang na-surprise ba siya kay Zanjoe?
"Oo, siyempre na-surprise ako. Nagulat ako kasi I was thinking anong oras doon ngayon. Siyempre lata na late na doon."
Miss na miss na ba niya si Zanjoe?
"Oo naman."
Ano ang regalo ni Zanjoe sa kanya?
"Hindi ko pa alam."
Baka bilhin ni Zanjoe abroad?
"Sana para imported!" natatawang sabi ni Mariel.
Ano ang birthday wish niya para sa sarili?
"Una sa lahat manood sila ng Varga. Yun lang at wala nang iba pa."
What about her relationship with Zanjoe?
"Oo, pero manood muna sila ng Varga," giit ni Mariel.
