Naniniwala si Yasmien Kurdi na pinakamagandang tulong na maibibigay niya para kay Jennylyn Mercado ay ang ipagdasal niya ito parati. Para kay Yasmien, very effective ang power of prayers at ilang beses na niya itong napatunayan sa kanyang sarili at sa ilang taong pinagdarasal niya parati.
"Hindi nga ba may kasabihan na ‘Prayers can move mountains'? Naniniwala ako sa kasabihan na ‘yon, e. Lumaki kasi ako na nakikita ko ang mommy ko na parating nagdasaral. Tinuruan niya ako na sa lahat ng gusto kong mangyari, nakukuha sa dasal lahat. Kaya ‘yun ang gusto kong ibigay kay Jen ngayon, my sincere prayers na galing sa puso ko talaga," pahayag ni Yasmien sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa kanya.
Pero may mga balitang kinakapos na raw sa pera ang unang StarStruck Ultimate Female Survivor na malapit nang isisilang ang anak nila ng dating boyfriend na si Patrick Garcia. Paano kung sa financial side ang mas kailangan ni Jennylyn? Makakatulong pa rin ba si Yasmien?
"Oo naman!" mabilis na sagot ni Yasmien. "Kasama naman ‘yan sa pagtulong, di ba? Si Jen naman, hindi na siya bago sa akin. Para na kaming magkapatid niyan. Ako kasi, wala akong kapatid kaya sino pa ba ang puwede kong tulungan, di ba?
"Pero wala naman kasi sinasabi si Jen sa akin regarding sa financial. Nakakahiya rin naman on my part na basta na lang magbigay sa kanya ng tulong. Gusto ko rin naman na manggaling sa kanya. Maiintindihan ko naman siya if ever, di ba? Huwag lang siyang mahiya sa aming mga kaibigan niya."
Pero sa kabilang banda ay hindi naniniwala si Yasmien na kapos sa pera si Jennylyn. Alam niyang marunong mag-ipon ng StarStuck batchmate at alam niyang may naitago itong pera.
"Hindi naman siguro bulagsak sa pera si Jen," sabi ni Yasmien. "Marunong siyang maghawak ng pera niya. Kaya nagugulat ako sa mga nababasa ko na wala raw siyang pera. Hindi naman totoo 'yon.
"Ang maganda diyan ay si Jen na lang ang paniwalaan natin tungkol sa lagay niya ngayon. Kasi kung sinu-sino ang nagsasalita for her na minsan may pagka-eksaherada. Yung tipong hindi na kapani-paniwala. Kaya kay Jen lang ako maniniwala talaga at hindi sa ibang tao."
BACK TO SCHOOL. Naikuwento rin ni Yasmien na balak niyang bumalik sa pag-aaral. Kung maging maluwag daw ang schedule niya, baka next semester ay mag-enrol siya. Gusto niyang ituloy ang kanyang naudlot na pag-aaral sa New Era College. Plano niyang kumuha ng kursong International Studies.
"Matagal ko nang plano na bumalik sa school, pero parating hindi natutuloy kasi biglang may dumarating na project. Okay lang kasi nakakaipon ako para sa pag-aaral ko. Ngayon ay inaayos ko na ang mga requirements ko sa school just in case na matuloy ang pagbabalik ko sa pag-aaral," lahad ng young actress.
Magkakaroon ng bagong TV drama si Yasmien, pero mukhang matagal pa ito masisimulan. Huling napanood si Yasmien sa Tasya Fantasya at Babangon Ako't Dudurugin Kita.
"Nagsimula na kasi ang mga bagong shows, di ba? Kaya matagal pa yung sinabi sa akin na TV drama. Matagal pa naman ‘yon kaya baka ang concentration ko ay sa movies at sa album ko."
Kasama si Yasmien sa pelikulang Loving You ng Regal Entertainment. Ito ang first movie nila together ng ka-love team na si JC de Vera.
