Extended ng isang buwan ang afternoon soap ni Roxanne Guinoo sa ABS-CBN, ang Ligaw na Bulaklak. Supposed to be, one season lang ang soap opera ni Roxanne at malapit nang matapos.
Sa kabila nito, may lungkot pa ring nararamdaman si Roxanne dahil, so far, wala pa siyang nababalitaan na kasunod na proyekto sa Kapamilya network.
"Sa ngayon, wala pa po. 'Tapos yung movie namin ni Kuya [Willie Revillame], postponed daw ng two months. Kailangan daw niyang magpahinga. Sana nga hindi ako mapalitan doon, baka bigla kasi akong mapalitan doon.
"Inisiip ko, mamaya wala na naman akong trabaho. Pero okay lang kasi nagte-taping pa naman kami. Kaya lang kasi kapag nasa bahay, kapag wala akong trabaho, hindi ako mapakali. Nasa sistema ko yung trabaho. Ikot ako nang ikot. Kapag minahal mo rin naman kasi ang trabaho mo, hahanapin mo talaga," lahad ni Roxanne sa PEP (Philippine Entertainment Portal).
Pero masaya naman daw siya dahil sa mga nagawa sa kanya ng Ligaw na Bulaklak.
"Ay, maganda! Nag-noontime ako sa Wowowee, malaking bagay din. ‘Tapos kapag umaalis ako, malalamam mo na yung mga mga tao nanonood din dahil ang tawag sa ‘yo Lea [pangalan ng character niya sa show].
"'Tsaka ako, hindi ko na pinagbabasehan kung primetime o noontime. Kahit noontime, at least di ba ngayon, yung hawak mo rin kasi sa noontime yung mga taong-bahay, yung mga lola, mga ganun. Mas light ang istorya ng noontime kesa sa primetime. Sa primetime, mas mataas ang expectation ng tao."
Dahil sa Ligaw na Bulaklak naihilera na rin si Roxanne sa hanay ng iba pang teleserye princess tulad ni Kristine Hermosa.
"Uy, hindi!" tanggi niya. "Ang dami ko pa ring kailangan [paghirapan] para magawa ko rin ‘yon. Pero siyempre, masarap yung feeling na kahit paano isinasabay na rin ako sa kanila. Pero ako naman, proud din naman ako na hinirap ko rin naman kasi talaga. Naghintay din ako.
"Kaya ako, kapag may workshop, gina-grab ko kahit isang session. Kasi mahirap din, e. Kahit ako kapag minsan napapanood ko ang eksena ko, hindi rin ako ganun kaano, may kailangan pa rin ako. So, hindi ka kailangang maging kampante.
"Kahit ako kapag pini-preview ko sa YouTube, 'Ngiii! Dapat ganito pala ito.' Kasi sa pagod sa taping ngayon, halos 66 sequences ang kukunan mo, hindi yun yung gaya ng dati. Hindi mo na mae-expect na kahit mag-ano ka, mag-freshen up ka pa, rume-register din, e, kapag pagod ka na, kahit anong effort mo. Minsan nakakahila rin pababa sa ‘yo, parang lumalalylay. Hindi naman maiiwasan yun."
LOVE TALK. May boyfriend ba siya ngayon?
"Wala po," diin niya.
Ano ang masasabi niya ngayong itatambal ang ex-boyfriend niya na si Jake Cuenca kay Shaina Magdayao?
"E, ako naman sa ganun, wala na. Marami na rin akong pinagdaanan sa love life. Alam naman ninyo yun," sabi niya.
Nag-react din si Roxanne sa pagpapa-interview ng direktor ng Boy & Kris na si GB San Pedro, na balitang nanliligaw sa young actress.
"Oo nga, e. Sabi ko, sabihin lang niya kung gusto niyang maging Direk Paul [Soriano, Toni Gonzaga's boyfriend]. Huwag siyang ganun kasi nirerespeto ko siya, e. Huwag tayong ano...prinangka ko naman. Kasi kaibigan ni Tita Neneth ‘yan, yung handler ko sa Star Magic. Kabarakda siya ng asawa ni Tita Neneth.
"Dati kasi, kasa-kasama nila ako kapag lumalabas. Nabuo yung friendship. E, nung lumabas naman ang isyu na ‘yan, yung week lang naman, e, nag-ano, nagsabi. So sa akin, sinabi ko na hindi talaga. Prinangka ko naman kasi magpapaasa ka. Kung nagparamdam man, hindi mo naman puwedeng kuwestyunin, ‘Ano ba, nanliligaw ka ba?'
"Kasi minsan, baka mamaya tanungin mo i-deny ka. Sabihin na masyado ka namang nag-a-assume na nililigawan ka. Na-sense ko naman, e, hanggang sa nagsabi. Sinabi ko na hindi. hindi mo naman puwedeng bastedin na hindi pa naman nagtatapat sa ‘yo.
"Nagtataka lang ako kasi dati lumalabas-labas lang naman. Kasi kaibigan talaga si Direk, mabait naman talaga. Maaasahan mo siya. Siguro naghahanap lang ng... Kasi nga wala nang kasama sa buhay. Na-enjoy yung company ko, so siguro...
"Sinabihan ko na siya bago mag-The Buzz. Kasi doon lang siya nagsabi. Kasama ko pa siya, sinabi ko naman na itigil na. Friends naman kaming naghiwalay. Kagagaling ko lang din sa breakup, buwan pa lang ang lumilipas. Kasi ako, naka-set na sa utak ko na kahit boyfriend lang, ayoko ng may anak. Gusto ko ‘pag nag-boyfriend ka, at least ikaw lang yung responsibilidad niya at trabaho. E, lalo pa kapag may asawa," pagtatapos ni Roxanne.
