Dahil sa closeness na nabuo kina Precious Adona at Yul Servo habang tinatapos ang Torotot ng Viva Digital, dinala ng huli si Precious sa Luneta para mamasyal. Proud lang daw si Yul sa Maynila kung saan sa third district nito ay nahalal si Yul bilang konsehal.
SIGHT-SEEING IN LUNETA. "Hindi ko pa talaga napupuntahan ang Luneta noon, kaya na-excite ako nang maisipan ni Yul na magpunta kami roon," sabi pa ni Precious nang makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal). "Pupunta sana kami sa Ocean Park, pero gabi na noon. Sarado na kaya hindi na kami nakapasok.
"Wala kaming ginawa roon kung hindi mag-picture-taking lang. Mula Luneta Grandstand hanggang doon sa mapa, alam mo yun? Nilakad namin yun. Okey lang. Nag-enoy naman ako," dugtong pa ng baguhang aktres.
Doon nakita ni Precious ang tunay na kulay ng Maynila. May nadaanan silang parang grupo-grupo na nagde-debate.
"May mga nakalatag pa roon, mga lovers na naglalampungan," natatawang banggit ni Precious."May mga ganoon pala. Akala ko, joke lang yung kantang, ‘Namamasyal pa sa Luneta nang walang pera'!"
Hindi raw siya nainggit doon sa mga naglalampungan samantalang kasama pa naman niya ang leading man niya sa Torotot.
"Kasama ko naman si Konsehal, e. Hindi ako na-bore." aniya.
GIVING IT ALL. Bongga at maiinit ang love scenes ni Precious with Yul and Anton Bernardo.
"Yung sa eksena kasi namin ni Yul, parang siya lang ang naligayahan doon," sabi pa ni Precious. "Ganoon kasi ang sitwasyon. Tinulugan niya ako at inutusan pa akong kumuha ng tubig.
"Pero, si Anton, mahirap yung love scene namin, dahil cramped up kami sa loob ng kotse," napapailing na kuwento ni Precious. "Pero, bago pa yun, ilang na ilang ako. He made me feel at ease and comfortable.
"Sabi ni Anton, ayusin na lang namin para take one yun at hindi na ulitin. Ibinigay na tuloy namin ang lahat," paghalakhak pa ni Precious.
Naging abala si Precious habang hinihintay ang pagpapalabas sa first big break niya sa Torotot pagkatapos na maging finalist noon sa Be Bench modeling competition. Naging part din siya ng provincial tour ng 6Cyclemind na sponsored ng Tanduay, ang Rhum on the Rock. Nilibot daw nila halos ang buong Pilipinas at pakanta-kanta rin siya roon.
"Nag-guest ako sa Magdusa Ka, maliit na exposure lang yun, just to test the waters at parang promo na rin ng movie namin," sabi pa ni Precious.
CONFLICT WITH KATRINA? How true? Nagka-conflict daw sila ni Katrina Halili sa taping. Sinasabi nga ni Precious na naging mas close sila ni Iwa Moto.
"Mas naging close talaga kami ni Iwa sa taping. Pero, okey lang talaga kami ni Katrina. Walang naging conflict sa amin. Bakit naman?
"E, noong nag-taping kasi ako, wala namang ibang ginagawa si Katrina kung hindi matulog lang kung walang take. Understandable yun, kasi, marami rin siya raket. Kailangan niyang bumawi ng pahinga at magdamagan ang taping namin.
"Hindi kami nagkaroon ng mahaba-habang bonding. Pero, nakapag-usap naman kami. Kami ni Iwa ang laging magkakuwentuhan," paliwanag na lang ni Precious.
May lumabas na item noon na parang minemenos niya yung launching pic ni Katrina na Gigil?
"Wala akong karapatang menosin yun dahil hindi ko pa napapanood ng buo," sabi pa ni Precious. "Ang tanong kasi sa akin, kung napanood ko na, ang sabi ko, napanood ko yung trailer. I just based my answer doon sa napanood ko sa trailer, na ang sabi ko, okey lang naman yung nakita ko.
"Okey in the sense na yun lang ang nakita ko, and it's unfair to judge. Sana, huwag na kaming intrigahin ni Katrina dahil lang doon," napapailing na dugtong ni Precious.