"In a way po, I'm ready nang tumanggap ng criticisms dahil I belong to a political family at marami na po talagang intriga. Pero aaminin ko po, I'm still learning pero kakayanin ko po," says Pinoy Idol winner Gretchen Espina.

Photo: File photo

 

Husky na ang boses ng first Pinoy Idol champion na si Gretchen Espina nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) pagkatapos ng Grand Results Night kagabi, August 17, sa SMX Convention Center ng SM Mall of Asia. Medyo paos ang boses ni Gretchen noong humarap sa entertainment press, marahil ay dahil sa puyat at sobrang excitement na dulot ng kanyang pagkapanalo.

 

Ano ang first reaction niya nang marinig niyang ang pangalan niya ang tinawag ng host na si Raymond Gutierrez, matapos ibigay ng representative ng SGV accounting firm ang result ng text voting, bilang first Pinoy Idol?

 

"Nanginig po ang mga tuhod ko kahit alam ko namang isa sa amin ni Jayann [Bautista] ang mananalo," sabi ni Gretchen. "Siguro po dahil na rin sa halos wala akong tulog before the final night last Saturday, hanggang kagabi. Halos two hours lang po akong nakatulog sa pagre-rehearse ng mga kakantahin ko. Limitado rin ang pagkain ko dahil ayokong mag-gain ng weight.

 

"Itinuring ko pong hell week sa akin ang linggong ito. Hindi rin po ako naging kampante noong final night. Pero sabi ko sa sarili ko, dapat maging galing sa puso ang performance ko, wala na akong restrictions sa sarili ko kung ano ang gagawin, wala nang dapat hiya-hiya. Ibinigay ko na ang lahat ng kaya ko. Kaya wala na nga po akong nasabi kundi ang pasasalamat sa Diyos at sa lahat ng mga sumuporta sa akin."

 

Ngayong siya na ang grand champion, handa na ba siyang pumasok sa showbiz at sa pagdating ng intriga sa kanya?

 

"In a way po, I'm ready nang tumanggap ng criticisms dahil I belong to a political family at marami na po talagang intriga. Pero aaminin ko po, I'm still learning pero kakayanin ko po," pahayag ni Gretchen.

 

Heto na ang first intriga. Nang siya ang i-announce na winner, mas malakas pa ang pagtsa-chant ng mga supporters ni Jayann kesa reaction ng mga supporters niya. Ano ang masasabi niya rito?

 

"May kanya-kanya naman po kaming supporters," sagot ni Gretchen. "Nagpapasalamat po ako sa mga taga-Biliran [Eastern Leyte] dahil alam kong sinuportahan nila ako, based na rin po sa warm welcome nila sa akin nang magkaroon ako ng homecoming during the competition. Gusto ko na rin po sanang makauwi agad sa Biliran para personal silang pasalamatan, pero marami pa po akong dapat gawin dito."

 

Paano kung hindi siya ang nanalo kundi si Jayann?

 

"Kung hindi po ako ang nanalo, yun lang pong nakarating ako hanggang sa finals, sapat na po ‘yon sa akin."

 

Biro kay Gretchen, ano naman ang gagawin niya sa mga premyo niya na umabot ng P5.7 million, lalo na yung cash prize na P1 million tax-free, ganung mayaman naman na sila?

 

"Hindi ko pa po pinag-iisipan kung ano ang gagawin ko sa cash prize," aniya. "Pero nag-usap po kami nina Jayann at Ram [Chaves], na kung sino man ang mananalo sa aming tatlo, magbibigay kami ng tigwa-one hundred thousand sa hindi mananalo. Kaya kapag natanggap ko na po ang cash prize ko, bibigyan ko sina Jayann at Ram ng tigwa-one hundred thousand."

 

Almost eight months tumagal ang competition, since audition day niya. Ano ang mga natutunan niya?

 

"It has been a battle, a journey, may saya, may lungkot, pero ang dami ko pong natutunan. Every time na aakyat ako sa stage, naroon ang nerbiyos. Kapag tumanggap ako ng magandang comment from the judges, nagpapasalamat ako. Kapag hindi maganda ang comment nila, tinatanong ko ang sarili ko kung ano ang dapat kong gawin. But I took it as a challenge lagi.

 

"Natutunan ko rin ang pakikisama sa kanila nang mag-stay na po kaming Top 24 sa Linden Suites. Wala pong naging pasaway sa amin. Kung meron man, yung pagkalungkot tuwing may mababawas sa amin. Kung mayroon man pong medyo nag-tantrums, tanggap po naming lahat ‘yon. Pero pagkatapos, bonding pa rin kami. Kaya nga po isa sa gusto kong gawin pagkatapos nito, muli kaming magkasama-samang lahat na 24. Magsi-set po ako ng isang araw na magba-bonding kaming lahat," lahad ni Gretchen.

 

Bata pa lamang si Gretchen, hilig na raw niya talagang kumanta at umarte. At 20, she's taking up European Studies in UP Diliman. Naging member din siya ng UP Singing Ambassadors. Ni-represent na rin niya ang UP sa isang English singing competition in Central China na ipinanalo niya ng first prize ang songs niyang "Hero" at "Run To You."

 

Ngayong tapos na ang competition, ano ang gusto niyang gawin bilang first Pinoy Idol?

 

"Alam ko pong napakalaking pressure sa akin ang title na ito, pero sisikapin ko pong maging karapat-dapat, someone na iidolohin talaga ng mga tao," sagot niya.

 

Ano naman ang unang-una niyang gagawin pag-uwi niya ng bahay?

 

"Matutulog po ako maghapon at kakain ng maraming-marami!" natatawang wika ni Gretchen.