PEP (Philippine Entertainment Portal) was able to talk with two of the 20 members of Star Magic Batch 16, Cheska Ortega and Pica Lozano, during their launch last night, September 2, at 9501 restaurant of ABS-CBN.
CHESKA ORTEGA. Cheska is enjoying the best of both worlds and two stations.
Nagulat kami nang makita namin si Cheska na kasama sa pinakabagong batch ng Star Magic na in-introduce kagabi. Isa kasi si Cheska sa mga bagong discoveries ng teen show ng TV5 na Lipgloss. Siya ang lumalabas na Ziggy sa pang-Sabadong programa ng TV5 at ka-partner ang dalawang Star Magic artists na sina Mikee Lee at Sam Concepcion.
Ang unang tinanong namin sa kanya, ano ang nauna: ang TV5 show or ang Star Magic offer.
"Lipgloss," sagot ng 16-year-old Reedley student na pamangkin nina Michelle at Robert Ortega.
Co-managed by Carlo Orosa ng Stages, sa entablado unang nakilala si Cheska nang makasama siya sa play na The Lion, The Witch, and The Wardrobe na sinundan ng lead role sa High School Musical.
Una siyang nag-apply para sa Lipgloss ng TV5. May nakakita raw sa kanya sa audition at taping kung kaya't hinikayat siyang mag-apply rin sa Star Magic at natanggap naman siya.
Dating estudiyante ng Poveda, kailangang magpalit ng eskuwelahan si Cheska dahil pinapili siya kung gusto niyang ipagpatuloy ang pag-aaral niya o mag-showbiz siya.
"Why can't I do both?" tanong niya sa sarili kung kaya't lumipat siya ng eskuwelahan, kung saan naging schoolmates naman niya ang dalawa pang Star Magic talents na sina Zia Marquez at Dino Imperial.
Sa ngayon, sa ASAP '08 daw muna siya isasabak dahil busy rin naman siya sa kanyang TV5 show na Lipgloss.
PICA LOZANO. Pica can claim to have the most different pre-showbiz job—being a hairstylist.
Makatawag-pansin ang kakaibang buhok ni Pica sa launching ng Star Magic Batch 16. Mahaba ito at kulot; hindi kinky at hindi afro kundi tunay na "Sto. Nino" na kulot. Natawa lalo kami na may koneksiyon sa buhok ang trabaho niya bago siya napili ni Mr. Johnny Manahan na mapabilang sa Batch 16 ng Star Magic dahil isa siyang personal hairstylist.
Ayon kay Pica, whose real name Picasio, nakuha niya ang kanyang kakaibang trabaho sa ama niya na may mataas na katungkulan sa isang high-class hair salon. Home service ang paggugupit ni Pica at by appointment lang ito. Three-hundred pesos ang gupit niya at kadalasan daw, yuppie ang mga ginugupitan niya.
"Mga na-refer sa akin ng father ko," sabi ni Pica na "sir" at "mam" ang tawag sa bawa't makausap na entertainment press.
Dahil palagi raw busy ang mga customers niya, mas gusto nilang sila ang pinupuntahan ng manggugupit ng buhok nila kung kaya't naging source of income ito para sa estudyante ng San Beda College Alabang.
Biro namin sa kanya, kadalasan sa mga manggugupit ay bakla. Pero sinisigurado niyang hindi raw siya gay, pero may mga kaibigan naman siyang bakla.
Bukod sa paggugupit, mahilig din si Pica na magsulat ng essay at mag-sketch. Ang kanyang pangarap ay makapagtayo ng sariling salon.
Mas gugustuhin ni Pica na mahasa sa hosting, singing, at dancing, pero magandang challenge din sa kaniya ang maka-arte. Tinanong namin kung sino ang gusto niyang maka-partner at isa lang ang isinagot niya—si Empress Schuck.