Sa mismong pad na tinutuluyan ni Alfred Vargas, sa Don Antonio Heights, Quezon City, kami nagkita ng aktor para sa panayam na ito na eksklusibo para sa PEP (Philippine Entertainment Portal).
Sa kanyang career, kakapirma lang niya ng another two-year exclusive contract sa GMA-7. Tatlong regular exposures ang kasama sa deal na ito. Ang pagpapatuloy ng character niya sa Dyesebel, ang pagku-comedy niya sa Nuts Entertainment, at ang bagong karagdagan ay ang afternoon soap na Una Kang Naging Akin, kung saan kasama niya sina Maxene Magalona, Wendell Ramos, at Angelika dela Cruz.
Dagdag ni Alfred, "Bukod pa riyan, nag-resume na kami ng shooting para sa Viva project na Civil Status: Single, na si Rufa Mae Quinto ang bida. Baka makahabol pa ako ng isang movie bago matapos ang taon. Kaya natutuwa ako siyempre, at very thankful, sa magandang turnout ng career ko."
Maraming napasukang negosyo si Alfred at ang mga ito'y kumikita naman. Kumbaga, ito yung panahong nagbubunga ang mga unang napagsikapan niya.
"Pero may pinasok akong talagang tinututukan ko ng atensiyon ngayon, which is farming," naibalita ng aktor. "Nagtatanim ako ng gulay sa Bulacan. Mayroon kaming maliit na property doon, napapakinabangan ko through planting. Bukod doon, may mga natutulungan akong farmers. At nakakatulong pa ako seafood production."
Bilang economist and manager, pinag-aralan ito ni Alfred na may kaugnayan sa kursong kinuha niya sa Ateneo de Manila.
"Mas maganda talaga na yung negosyong itatayo mo, may social relevance naman," sabi ni Alfred. "Kapag nakatulong ito sa mga tao, palagay ko, doon ka talaga magpo-prosper. At saka love na love ko ang farm."
Kagagaling ni Alfred sa farm nang makipagkita sa amin, at iba ang feeling niya.
"Medyo nasusunog ang balat ko sa init, pero iba pa rin ang simoy ng hangin doon. Fresh na fresh. Nakaka-relax. Nalalayo ako sa showbiz, sa tsismis. Lalong gumaganda ang pakiramdam ko," lahad niya.
Sa Catmon, Sta. Maria, Bulacan matatagpuan ang farm ni Alfred, at doon talaga siya lumaki.
"As much as possible, kahit four times a week, pinupuntahan ko talaga. Pero lately, once or twice a week nga lang dahil marami akong ibang inaasikaso. Kahit five to ten minutes lang, daraan talaga ako.
"From Quezon City, mayroon akong taping sa Olongapo, dinaraanan ko na lang talaga. Kakausapin ko lang yung farm technician ko, pati yung farmers, konting habilin, 'tapos diretso na sa taping," kuwento pa ng binata.
Usually, mga gulay talaga ang nakatanim doon. Sili, pechay, talong, okra, ampalaya, kangkong, luya, at sari-saring iba pa.
"Different varieties, at naka-tie up din kasi ako with the Department of Agriculture, at saka UP Los Banos," dugtong ng aktor. "Sa akin, pagbutihan ko lang ito, sana marami akong ibang taong ma-inspire na muling magtanim. Kung gagawin natin ito, mawawalan tayo ng problema sa pagkain, kahit sa bigas.
"Sobrang fertile ng land natin. May krisis daw sa bigas, pero puntahan mo ang highway papuntang probinsiya, marami kang madadaanang mga lupaing hindi pa natataniman. Kung pagtitiyagaan natin, malaki ang maitutulong sa atin."
Naaalala ni Alfred ang kabataan niya dahil noon daw ay tambay siya ng farm.
"Ngayong nagkakaedad ako, bumabalik ako sa ganito. Nare-relax nga ako, and I feel detached from showbiz kapag nasa farm ako. Walang puyat, walang pollution. Especially 'pag sunset na, at yung tinanim mong seed, makikita mo, lumalaki at lumalago," saad ni Alfred.
Nawi-witness ni Alfred ang miracles ni Lord sa pamamagitan ng farming. Mukhang papunta talaga siya sa negosyong ito, pero nasabi pa rin niya that his passion will always be acting.