Pinag-uusapan ngayon sa showbiz ang pagbubuntis diumano ng singer-actress na si Vina Morales. Ayon sa lumabas na report, dalawang buwang buntis na raw ang nakatatandang kapatid ni Shaina Magdayao.
Pero hanggang ngayon ay wala pang paglilinaw na ginagawa si Vina o maging ang mga malalapit sa kanya. Sinikap na kontakin ng ilang malalapit kay Vina ang aktres, pero hindi raw ito sumasagot.
Matatandaan na kamakailan lang ay binigyan ng production number si Vina with other talents ng Star Magic sa ASAP ‘08 bilang pagwe-welcome sa kanya sa talent management ng ABS-CBN na pinamumunuan ni Johnny Manahan.
Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang PR head ng Star Magic na si Rikka Dylim kahapon, September 23, sa ABS-CBN compound. Ayon sa kanya, kasalukuyang nasa Japan si Vina.
Two weeks ago ay nag-imbita ang Star Magic sa press para sa solo presscon ni Vina. Ilang araw bago sumapit ang presscon na naka-set nung Lunes, September 15, na-cancel ito. Nagpasabi raw ang ama ni Vina na may natanguang commitment ang singer-actress that day kaya pina-cancel ang presscon.
Kasunod nito ang pagputok ng balitang buntis si Vina. Inaasahan na ng Star Magic na pilit na iiugnay ang isyu ng pagkakabuntis ni Vina sa pagkakansela ng presscon niya. Pero maging ang pamunuan ng bagong talent management ni Vina ay hindi makapaglabas ng official statement tungkol dito.
Bagamat kung totoo raw na buntis si Vina, wala namang tutol ang Star Magic dahil nasa tamang edad na raw ang aktres. Vina is 32 years old. Kung may panghihinayang man ang Star Magic, ito ay dahil kasisimula pa lang nila na i-handle ang career ni Vina at marami ang inquiries sa kanya for possible projects.
May mga pasubali naman ang ilan na kaya hindi raw makalabas si Vina para aminin ang kanyang kalagayan sa publiko ay dahil sa legal problem na posible niyang kaharapin dahil sa ama raw ng batang dinadala niya. Ayon sa report, ang non-showbiz boyfriend ni Vina for two years diumano ama ng ipinagbubuntis ng singer-actress.
Legally married pa rin daw sa hiniwalayang misis nito na kapwa niya Chinese ang boyfriend ni Vina. Any moment ay puwede raw silang sampahan ng kaso sa korte ng misis ng boyfriend niya.
Dagdag pa ng aming nakalap na report, mas mayaman daw ang legal wife kesa sa boyfriend ni Vina at isa sa may-ari diumano ng isang kilalang cosmetic beauty clinic sa Makati. Kaya gustuhin man daw ni Vina na magsalita at aminin ang batang dinadala niya, na matagal din niyang hinintay, ay hindi magawa ng singer-actress.
