Bagamat sila ang magkapareha sa upcoming primetime series ng GMA-7 na La Lola, sa solo presscon lang ni Rhian Ramos last September 30 nalaman ng young actress na may crush pala sa kanya ang leading man niya na si JC de Vera. Nagulat pa nga si Rhian nang sabihin sa kanya ng entertainment press na gandang-ganda sa mukha niya ang young actor.
"Ows? Ba't hindi niya ‘yon sinasabi sa akin? Astig! Hindi, ngayon ko lang yun nalaman!" reaksiyon ni Rhian sa solo presscon na ibinigay sa kanya ng Artist Center, na siyang namamahala sa kanyang career.
Hindi ang La Lola ang unang pagkakataon na magsasama sina Rhian at JC. Una silang nagkasama sa Captain Barbell, na unang TV project ni Rhian; at nasundan pa ito ng pagganap nila bilang magkasintahan sa Ouija, bagamat ilang shooting days lang sila nagkasama. Kagabi, October 2, ay sila rin ang magkapareha sa huling episode ni JC para sa Obra. Pero ayon kay Rhian, ang La Lola ang ang una nilang proyekto bilang magka-love team.
Ano ang pakiramdam ni Rhian ngayong nalaman na niyang crush pala siya ni JC?
"Good, kasi usually naman ‘pag nagkaka-leading man ako, parang trabaho lang, naka-focus lang kami sa work. So, nice to now naman na may ganung factor na he thinks of me that way. Nakaka-flatter," nakangiting saad ni Rhian.
Dahil matagal-tagal na rin silang nagkasama ni JC, wala bang nahahalatang kakaiba si Rhian sa kapareha?
"Wala, wala talaga!" sagot ni Rhian. "Ganun pa naman yung type ko, yung katulad ni JC—medyo dark, yung Pinoy yung hitsura. Hitsura, pasadong-pasado. Ugali, I need to get to know him better. Pero ngayon pa lang, we get along na, e. Kumportable na ako sa kanya. I mean, sa short time na nagtatrabaho kami.
"Kasi ako, may mga issue with physical space. Yung parang hindi ako masyadong dumidikit sa mga tao. Kunwari, me-makeup-an pa lang ako, medyo naiilang na ako, e. Yung ganun pa lang kalapit. Pero kay Jace, wala... Well, siguro nung una oo, yung mga Ouija namin, yung Barbell namin, parang naiilang pa ako.
"‘Tapos ngayon, nagka-bonding time kami. So, nag-Obra kami together, nung ginawa namin ‘yon... Yung episode kasi namin, si JC blind and deaf. So, ako naman yung magtuturo sa kanya paano i-express yung sarili niya. So, dahil doon, nawala yung space issues ko. Sa role kasi namin, you have to be really close. Nagulat ako na in a matter of one day, nawala yung sa amin ni Jace. Ewan ko, nagulat lang ako," lahad ni Rhian.
So, may ibig bang sabihin ‘yon?
"Wala!" mabilis na tugon ng dalaga.
Maiilang na ba siya ngayong alam na niyang may crush sa kanya si JC?
"Hindi naman, kasi ngayon pa lang, kumportable na ako sa kanya. Hindi naman ako maiilang; magugulat siguro kasi parang... All this time naman, tingin niya sa akin, ka-work, di ba? So, siguro magugulat ako, hindi naman maiilang."
Ano ang magiging rekasiyon ni Rhian kung ligawan siya ni JC, lalo pa't sinabi ng dalaga na puwede na siyang magpaligaw ngayong 18 na siya.
"I don't know. Pero sa akin, I'll have to get to know him more. I mean, don't get me wrong, he's really, really great. At saka hindi ko rin ma-explain kung bakit nawala yung ilang ko sa kanya, yung mga space issues in one day. There's something special about him, pero hindi naman dahil lang do'n, mai-in love ka na sa tao at sasagutin mo na. Siyempre, pakipot ka muna! We need more bonding time," sagot ni Rhian.
Na-link si Rhian noon sa Celebrity Duets contender na si Phil Younghusband at kay Phillip Gozon, na anak ng GMA-7 President na si Atty. Felipe Gozon. Pero itinanggi ng dalaga na may namuong relasyon sa pagitan niya at alinman sa mga naturang binata.
Ngayong araw, October 3, ay nagdiriwang si Rhian ng kanyang 18th birthday party. Mamayang gabi naman gaganapin ang kanyang debut sa Manila Peninsula sa Makati City.
Si JC ang escort at last dance ni Rhian.
