Binisita ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang taping nina Dennis Trillo at Heart Evangelista para sa "Chinoy"episode ng Dear Friend, na mapapanood sa Sunday, October 5, pagakatapos ng SOP. Sa David's Tea House sa Binondo ginawa ang taping kahapon, October 2.
Ang "Chinoy" ay tungkol sa isang Chinese guy (Dennis) na nakipagrelasyon sa Pinay (Heart) na ayaw tanggapin ng parents ng lalake. Eight years nilang itinago ang kanilang relasyon hanggang nagkahiwalay sila. Happy ending daw ito sabi ni direk Jay Altarejos, pero maganda pa ring subaybayan kung paano nagtapos ang istorya nina Edison at Anna.
Nagkakasama na sa SOP sina Dennis at Heart, pero ngayon lang sila gagawa ng drama. Sa kanilang dalawa, mas kinabahan daw si Dennis na noon pa umaming crush niya si Heart.
"Bagong tambalan ito kaya excited ako at nang sinabi sa aking magtatambal kami, okey sa akin kahit maipit sa taping ng Gagambino. Mula nang lumipat siya sa GMA 7, ngayon lang kami magkakatrabaho," sabi ni Dennis.
May kissing scene ba sila rito?
"Meron, pero gentle lang, smack lang yata," sagot ni Dennis, na napansin ng PEP na kakaiba ang sigla at laging nakangiti.
Napangiti rin si Dennis nang iparating namin ang comment ng ibang PEPsters nang malamang magtatambal sila ni Heart; na mag-ingat ang young actress sa kagaya niyang babaero.
Ilang sandali pa, si Heart naman ang na-interview ng PEP. Una naming kinumusta sa kanya ang leading man niyang si Dennis.
"Medyo nagkakailangan pa kami. Never ko pa siyang nakatrabaho at tahimik siya masyado, kaya nahihiya rin ako sa kanya. Very shy talaga siya, hindi ko tuloy alam kung ano ang sasabihin," saad ni Heart.
Inalam ng PEP kay Heart kung ano ang challenge sa kanya of having a new partner.
"Siguro, kung paano sila nagtatrabaho, more on the work ethics. Sanay ako sa mga kilala ko. With the likes of Dennis, tinatantiya ko muna," sabi ni Heart.
Napa-"talaga?" si Heart nang malamang may fans na sila ni Dennis na "DenHeart" ang tawag sa kanilang mga sarili. Looking forward ang mga ito sa Dear Heart at sa mga susunod nilang projects. Kaya lang, hindi ito magtutuluy-tuloy dahil sa Luna Mystica, si Mark Anthony Fernandez ang kapareha ni Heart; at sina Nadine Samonte at Katrina Halili naman ang makakasama ni Dennis sa Gagambino.
HEART IS DATING AGAIN. Nabalitaan ng PEP na may nali-link kay Heart ngayon na ayon sa publicist ng dalaga na si Jun Lalin ay kanyang "inspirasyon." Kaya tinanong namin si Heart kung ready na siya for another relationship.
"I'm dating and I'm not gonna hide it," pag-amin ni Heart. "Non-showbiz siya at gusto ko ng ganun. Hindi ko masabi if I'm ready for a new relationship, but in fairness, na-traumatize ako with my last relationship. But I'm not bitter, I deserve to be happy."
Si Heart na rin ang nagbanggit na she's dating Francisco Delgado of the Delgado family shipping business. Si Francis ay anak ng slain businessman na si Federico "Rico" Delgado. Nilinaw pa talaga ni Heart sa amin na ang anak ang dini-date niya at hindi ang ama.
"He works for his family. Matagal ko na siyang kilala, barkada siya ng sister ko. If we're exclusively dating? Ako naman ‘pag nagdi-date, hindi paiba-iba, nakukuntento na ako sa isa. Not that I'm judging, gusto ko lang ng ganun."
Paano kung magparamdam sa kanya si Dennis?
"Hindi naman ako kasal!" sambit niya. "Pero maganda kung friends na lang kami, friendship is more lasting."
Paano nga kung manligaw si Dennis?
"Ewan ko. Gusto ko i-enjoy na lang ang samahan namin. Hanggang kilig-kiligan na lang. Puwede kaming kiligin at hindi kailangang maging kayo. Mas maganda kung love team lang kayo dahil mahirap kung magkakarelasyon. ‘Pag nag-away kayo at magkasama kayo sa trabaho, hindi kayo mag-uusap sa taping. Ang pangit naman nun."
Naalala tuloy ni Heart ang sitwasyon nila ni John Prats. Nasayang daw ang chemistry nila dahil nauwi rin sa paghihiwalay ang relasyon nila at pati love team nila ay nabuwag.
Without mentioning names, binanggit ni Heart na pagdating sa relasyon, one-man woman siya. "Basta forever loyal ako, period. I give my 100 percent sa relationship and if hindi pa enough sa kanila yun at kung ayaw pa rin nila sa akin, there's no turning back," sabi niya.
Before the interview, nakiusap ang staff ng Dear Friend na huwag magtatanong tungkol sa ex-boyfriend ni Heart na si Jericho Rosales. Tumakbo at natapos ang interview na hindi nabanggit ang pangalan ni Jericho.
Si Heart din naman, hindi niya talaga na-mention ang kanyang ex. Kung ang ibig sabihin nito ay naka-move on na nga siya, it's about time for Jericho to look for a new inspiration, too.