Masayang-masaya ang singer na si Gian Magdangal sa magagandang reviews na nakarating sa kanya dahil sa pagganap niya bilang Riff sa stage musical na West Side Story ng STAGES Productions. May nakahanda na nga raw na bagong musical na siya naman ang magbibida, pero sa kalagitnaan na ng 2009 gagawin ito.
Inamin ni Gian sa panayam sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) na kinabahan siya dahil hindi siya sure kung paano siya tatanggapin ng audience. Nag-umpisa siya bilang theater performer, pero nag-shift siya bigla sa pagiging recording artist at TV performer pagkatapos niyang sumali sa Philippine Idol. Pero natuwa naman siya at marami ang pumuri sa pagganap niya sa West Side Story.
"I really worked hard for the role. First time kong sumayaw nang gano'n. Hindi madali yung mga dance steps. ‘Tapos magkasabay ang acting at pagkanta, kaya triple ang trabaho sa West Side Story. But everything paid off. Maganda ang mga nakuha kong reviews and I will have a lead role sa next musical ko, kaya I'm happy to be back in theater," sabi ni Gian.
SHEREE GETS DENGUE. Ikinuwento rin ni Gian sa PEP na kagagaling lang ng live-in partner niya na si Sheree (ina ng kanyang anak), sa sakit na dengue. Nakuha raw ito ni Sheree nang mag-shooting para sa pelikula ni Direk Cesar Apolinario (Banal).
"Pag-uwi niya from the location, nilalagnat na siya. Pero sabi niya na baka pagod lang siya. The next day nga, nag-taping pa siya for Codename: Asero. Doon na siya nakaramdam ng hindi maganda kaya pinauwi na siya at dumiretso siya sa ospital. Nalaman nga na degue ang sakit niya," lahad niya.
Mabuti na lang daw at naagapan ang sakit ni Sheree. Kung pinatagal pa raw niya ito ay baka lumala pa ito at magkaroon siya ng kumplikasyon. Isang araw lang daw na-confine si Sheree at sa bahay na lang siya nagpagaling.
"Pumayat nga siya agad. Kaya sexy na ulit si Sheree dahil sa dengue!" sabay tawa ni Gian. "Yung hindi niya matanggal na mga taba sa katawan niya after niyang manganak, nawala dahil sa sakit niya. But I always remind her naman to be careful. Kapag may nararamdaman siyang hindi maganda sa katawan niya, huwag niyang pabayaan. Sabihin niya agad para maagapan.
"Concerned din kasi si Sheree sa anak namin, e. Ayaw niyang may nagkakasakit sa family namin. Sa panahon kasi ngayon, mahirap na nagkakasakit, lalo na kung ang baby ang magkasakit. Kaya we're very careful with our health after what happened to Sheree."
Very healthy naman ang baby boy nila ni Sheree na si Gian Haley na four months old na. Masuwerte nga raw ang baby nila dahil sa November ay mailalabas na ang matagal nang hinihintay na debut album ni Gian sa ilalim ng SonyBMG.
