"Hindi kami sumingit sa pila."
Ito ang iginiit ng miyembro ng EB Babes na si Mae dela Cerna matapos mauwi sa presinto ang pakikipagsagutan niya, kasama ang dalawang pang kasamahan na sina Saida Diola at Ann Boleche laban sa pamilya Dela Paz kagabi, Oktubre 5, sa isang doughnut shop sa Greenhills, San Juan City.
Ayon sa ulat ng Balitanghali ng Q Channel 11 kanina, Oktubre 6, nagtamo ng first-degree burn si dela Cerna matapos masabuyan ng mainit na kape pasado alas-otso kagabi.
Base sa panayam ni SPO1 Edwin Cordeta ng San Juan Police, "Bale sabi ng kasama ni Saida, tinapunan daw siya [Saida] ng tubig na mainit, 'yong kape. Pero sabi naman nitong [Dela Paz family], sumisingit kasi sila sa pila. Ngayon, sinasaway ng babae, nung asawa, ‘Pumila ka nang maayos.'"
Napunta umano sa matinding palitan ng mga salita sa labas ng naturang establishment at ayon kay Tess dela Paz, napilitan lang daw ang asawa na si Fabian na ipagtanggol ang kanyang sarili.
"He has to defend himself, tatlo 'yon na babae," paliwanag ni Gng. Dela Paz. "Mabuti nga lumabas itong isang anak namin para tumigil, otherwise the three of them would be ganging on my husband."
Samantala, itinanggi naman ng tatlong EB Babes na sa kanila nagmula ang away.
Ani Saida, "Bahala po sila, bahala na po sila sa gusto nila."
Sinundan naman ito agad ni Mae ng pagtanggi sa mga akusasyon sa kanila. Para sa kanya, "Basta po hindi po kami sumingit sa line. Nanghingi pa nga po ako ng pasensya."