Unti-unti nang nagbubunga ang pagiging seryoso ni JC de Vera sa kanyang trabaho. Marami na ang nakakapansin sa kahusayan niya bilang aktor. Nahasa ang young actor sa paglabas niya sa mga afternoon soaps ng GMA-7 na P.S. I Love You at Pasan Ko ang Daigdig hanggang sa gampanan niya ang isang mapanghamong papel sa primetime soap na Babangon Ako't Dudurugin Kita.
Muling pinatunayan ni JC ang kanyang kakayahan sa pag-arte nang itampok siya sa drama anthology na Obra, kung saan gumanap siya ng iba't ibang challenging roles bawat linggo. Dahil sa kahusayang ipinamalas ni JC ay marami ang pumuri sa kanyang pag-arte.
Ano ang masasabi ni JC dito?
"Masayang-masaya ako kasi, at least, nakikita nung mga tao yung pinaghihirapan ko, pinagpupuyatan ko. Kumbaga, nakikita nila na seryoso ako kaya masayang-masaya ako. Siyempre, thankful ako sa sumusuporta sa akin, thankful ako sa GMA, lalung-lalo na sa manager ko [Annabelle Rama] na sinusuportahan niya ako, na ipinaglalaban niya ako," saad ni JC.
Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si JC sa presscon ng pinakabagong primetime series niya sa kanyang home network, La Lola, kung saan katambal niya si Rhian Ramos.
THE NEXT LEADING MAN. Ngayong nagbibida na si JC sa mga primetime series ng GMA-7, hindi maiiwasan na ikumpara siya sa ibang Kapuso leading men gaya nina Richard Gutierrez, Dingdong Dantes, at Dennis Trillo. Sa palagay ba ni JC ay puwede na siyang maihilera sa top leading men ng Kapuso network sa pamamagitan ng La Lola?
"Hindi," mabilis niyang sagot. "Ibang level sila. Ibang batch sila, e, younger batch ako, e. True, mas matanda talaga sila sa akin. For the past three years, four years, sila yung mga nagiging inspirasyon ko, si Dennis, si Dingdong, si Richard.
"Yung mga narating nila, hindi ko pa narating. So, sila yung mga tinitingala ko na leading men ng GMA talaga. Sana one of these days, maabot ko yung mga narating nila."
Sa tingin niya ba ay next in line na siya?
"Well, hopefully, yes," sambit ng 22-year-old actor.
Kung si Richard ay nalilinya sa action, si Dingdong ay sa pagiging romantic leading man, at si Dennis naman ay sa drama, saan kaya gustong mag-excel ni JC?
"Ako, gusto kong mag-explore," sagot niya. "Yun yung sa tingin ko maganda sa akin. Willing akong mag-explore, willing akong mag-improve, willing akong matuto. Ako kasi, ayokong ma-typecast dun sa drama lang ang kaya ko, ayokong masabihan ako ng gano'n. At least, masabi nila na ‘Kaya pala niyang gumanap ng bulag, pipi, at bingi.' Yung mga gano'n, gusto kong mag-explore."
Sa murang edad ay kinakitaan na ng sensibilidad si JC bilang aktor. Saan niya hinuhugot ang kanyang mga emosyon sa pagganap?
"Sa totoo lang po, wala talaga akong problema sa buhay," sabi ni JC. "Kumbaga, hindi pa ako namatayan, hindi pa ako nawalan ng loved ones. Ang iniisip ko lang siguro na pinakamalalim na nangyari sa akin, yung sa love lang, e. Pero hindi ko puwedeng gamitin yun palagi sa mga eksena, e.
"Siguro ano lang, yung mismong eksena yung ginagamit ko, mismong story yung nagagamit ko. And lahat ng directors ng GMA, very helpful naman sila. Parati akong humihingi ng guidance."
Sinabi rin ni JC na humihingi siya ng acting coach sa bawat proyektong ginagawa niya.





