Controversial TV-radio host and showbiz columnist Cristy Fermin was suspended by ABS-CBN for her statements against former actress Nadia Montenegro.

Photo: Alex Datu

Bago pa man i-report ng TV Patrol World ngayong gabi, October 15, ang pagkakasuspindi sa kontrata ng controversial TV-radio host at kolumnista na si Cristy Fermin, nakatanggap na ang PEP (Philippine Entertainment Portal) ng impormasyon na may iaanunsiyo ang primetime newscast ng ABS-CBN tungkol sa katayuan ni Cristy sa Kapamilya network.

 

Agad naming tinawagan ang Corporate Communications department ng ABS-CBN upang kumpirmahin ang impormasyon. Nagulat man kung paano namin nalaman, tumanggi silang magbigay ng detalye, hintayin na lang daw namin ang report ng TV Patrol World. Pero nangako naman sila na magbibigay sila ng kopya ng official statement pagkatapos.

 

Sa report ni Mario Dumaual para sa TV Patrol World kanina, sinuspindi ng ABS-CBN ang kontrata ni Cristy mula sa Sunday showbiz talk show na The Buzz at sa kanyang daily radio program sa dzMM, ang Showbiz Mismo, hanggang sa katapusan ng taong kasalukuyan (December 31, 2008).

 

Sa official statement ng ABS-CBN, ipinaliwanag nila na ang suspension ng showbiz contract ni Cristy ay may kinalaman sa mga naging pahayag niya laban sa dating aktres na si Nadia Montenegro sa The Buzz noong October 5. (Click here to read related article.)

 

Sa pananaw ng ABS-CBN ay nadamay ang mga batang walang kinalaman sa kontrobersiya sa naging pahayag ni Cristy. Ayon sa TV host, ang isa diumano sa mga anak ni Nadia ay hindi niya anak sa asawa niyang si dating Caloocan Mayor Boy Asistio.

 

Narito ang kabuuan ng opisyal na pahayag ng ABS-CBN sa pagsuspinde ng kontrata ni Cristy:

 

"Ang kontrata ni Ms. Cristy Fermin bilang host ng The Buzz sa ABS-CBN Channel 2 at anchorperson ng Showbiz Mismo sa DZMM ay sinuspende hanggang December 31, 2008.

 

"Ang suspensyon ng talent contracts ni Ms. Fermin sa ABS-CBN Broadcasting Corporation ay may kaugnayan sa mga naging pahayag niya sa episode ng The Buzz noong October 5, 2008. Ang aksyong ito ni Ms. Fermin ay lumabag sa ilang probisyon ng kanyang kontrata.

 

"Sa pananaw ng kompanya, nadamay ang mga batang walang kinalaman sa kontrobersya sa kanyang pahayag.

 

"Nalabag din ng aksyon ni Ms. Fermin ang mataas na batayan ng propesyonalismo at integridad sa pamamahayag. Ito ay nagdulot ng kapinsalaan hindi lamang sa kanyang pangalan at kredibilidad, kundi sa programang The Buzz at sa ABS-CBN."

 

Bukod sa report ng TV Patrol World ay nakakuha pa ng ilang karagdagang impormasyon ang PEP.

 

Mula sa isang source na malapit kay Cristy, natanggap daw ni Cristy ang memo mula sa ABS-CBN management nitong nakaraang weekend. Kaninang hapon naman, October 15, pagkatapos ng kanyang radio program na Showbiz Mismo ay ipinatawag daw si Cristy ni Ms. Cory Vidanes, ABS-CBN Head for TV Production. Dito na raw sinabi kay Cristy ang desisyon ng Kapamilya network na suspendihin siya mula sa kanyang TV show at sa kanyang radio program.

 

Napag-alaman din ng PEP na ang nakapirma sa suspension order ni Cristy ay sina Ms. Vidanes at Mr. Peter Musngi, ABS-CBN Vice President for Manila Radio Division.

 

Sa pamamagitan din ng aming source ay nakuha ng PEP ang reaksiyon ni Cristy sa suspension na ipinataw sa kanya ng ABS-CBN. Aniya, "Alam ko na darating ‘yan. Handa na ako."

 

Hindi pa malinaw sa kasalukuyan kung makakabalik ulit si Cristy sa The Buzz at sa Showbiz Mismo, o hindi na, pagkatapos ng kanyang suspension.

 

Samantala, naghain naman ng reklamo si Nadia sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) laban kay Cristy at sa The Buzz kahapon, October 14. Ito ay may kaugnayan pa rin sa mga paratang ni Cristy laban kay Nadia sa October 5 episode ng The Buzz.

 

Hiniling ni Nadia na masuspinde at maimbestigahan ang co-host ng The Buzz.

 

Sinabi rin ni Nadia na magsasampa siya ng libel at slander case laban kay Cristy sa susunod na linggo.

 

Bago ang suspension kay Cristy ay nauna nang tinanggal ng ABS-CBN ang TV-radio personality at showbiz columnist na si Ogie Diaz mula sa morning show na Umagang Kay Kanda at sa kanyang radio program sa dzMM. "Non-renewal of services" ang ibinigay na dahilan kay Ogie ng mismong head ng ABS-CBN News & Current Affairs na si Maria Ressa. Lumabag diumano si Ogie sa Code of Ethics ng News & Current Affairs dahil sa pagtanggap niya ng tokens o "envelope" mula sa mga presscon. (Click here to read related article.)

 

To view all related articles, check out our Storytracker .