Si Kitkat ang isa sa mga bagong kapamilya stars ng Star Magic. Graduate siya ng International Studies sa Holy Spirit dahil gusto niyang maging flight attendant.
Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa kanya last Thursday sa 9501 Restaurant sa Channel 2, inamin niyang masaya siya sa takbo ng kanyang career. Kamakailan ay nag-celebrate siya ng itinuturing niyang pinaka-memorable na birthday celebration niya sa Punchline Bar in Quezon City.
Dumalo kasi rito ang kanyang mga co-stars sa Iisa Pa Lamang na pinangunahan ni Ms. Susan Roces, Claudine Barretto, at ng kanyang best friend na si Melissa Ricks.
Ani Kitkat, "Bale last September 23 iyon, my 24th birthday. Iyon ang pinaka-happy ko sa lahat dahil kumanta pa sina Claudine at Ms. Susan... Natutuwa nga ako kay Claudine kasi ginagawa niya akong manika, dinadamitan niya ako e. Like noong birthday ko, siya ang nagdamit sa akin ng red gown by Randy Ortiz, parang ginagawa niya akong manika, e," natatawang saad ni Kitkat.
"Aliw na aliw daw siya sa akin," pahabol pa ng magaling na komedyana.
Si Kitkat ay isa sa mga hurado sa comedy show na LOL (Laugh Out Loud) ng DZMM, isang talent search para sa stand-up comedians. Napapanood din ito tuwing Linggo, 1:00 p.m. sa Teleradyo. Kasama rin si Kitkat sa pelikula ng Star Cinema, My Only U.
Bukod sa Punchline, napapanood din siya sa Laffline at Metro Comedy Bar.
BREAD, CLEAVAGE, POKWANG. Wish ni Kitkat na magpatuloy ang kanyang mga project sa showbiz. Para naman sa kanyang mahal na lola na si Lola Puring, long life at good health ang tanging hangad niya rito.
"Breadwinner po kasi ako ng pamilya ko, ako ang gumagastos sa gamot ng lola ko kasi, may sakit siya. May mga pamilya na kasi yung iba kong kapatid kaya ako po ang nag-aalaga sa kanya. Ang sakit ng lola ko, e, pulmonya. Nagkaroon ng kumplikasyon. Kaya ang bawat kinikita ko sa showbiz, naka-budget po talaga."
Ayon pa kay Kitkat, nanghihinayang siya dahil hindi pa niya napapakinabangan ang kanyang cleavage na ipinagawa niya ilang buwan na ang nakaraan para sakaling kailanganin daw ay ready na siya.
"Kaya lamang po ay hindi ko pa ito nagagamit, e. Hindi ko kasi naipakita sa My Only U at Iisa Pa Lamang dahil ang mga role na ginagampanan ko roon ay best friend ni Catherine [Claudine] na medyo may pagka conservative.
"Siguro kapag dumating ang right time o right project ay mapapakinabangan ko rin itong pagpapaayos ko sa aking dibdib," nakatawang pahayag pa niya.
Ano ang mga pangarap niya bilang aktres?
"Ako naman ho, hindi ko wish na sumikat ng sikat na sikat, ang sa akin lang, yung ‘andito ako ng tuluy-tuloy, yung maraming project at hindi nawawala sa limelight. Okey na po ako run. Yung straight line lang.
"Masasabi ko rin sigurong aktres na ako dahil yung mga role na ibinibigay sa akin, talagang magaganda naman, kaya natutuwa ako."
Ano naman ang pagkakaiba nila ni Pokwang?
"Ibang-iba po kami ni Pokwang. Sa character na lang po, magkaibang-magkaiba na kami. Kapag sinabi pong Pokwang, komedyante, makulit, etsetera. Samantalang ako, colorful, kikay, sexy. Mahirap pong ikumpara, actually, dahil magkaibang-magkaiba po kami."
NON-SHOWBIZ BOYFRIEND. Limang taon na sila ng kanyang non-showbiz boyfriend na isang businessman. Napaka-supportive ng boyfriend niya na kahit magpa-sexy pa siya ay okey lang dito.
"Suwerte ako dahil supportive ang boyfriend ko sa aking career. Kapag mayroon nga po akong palabas sa TV na umiiyak, inire-record pa niya ‘yon at sinasabi niya sa akin, ang galing-galing ko roon."
Gayunman, kapag pinilit siya nitong magpakasal, handa niyang isakripisyo ang love kapalit ng pagtataguyod sa kanyang pamilya.
"Kaya naman niyang maghintay, kung hindi niya kaya, e, di huwag. Kaya ko ho kasing pakawalan ang boyfriend over my family and career.
"Simula bata pa ho kasi ako, hirap na kami, kahit nag-aaral ako sa magandang eskuwelahan noon, nabaon kami sa utang. Kumbaga, nabuhay kami sa five-six. Hanggang sa lumaki yung utang namin at binayaran ko pa. Tatlo kaming magkakapatid. Iyong isa kong kapatid, first year college na at pinapag-aral ko. Yung kuya ko naman ay engineer na po," pagtatapos ni Kitkat.