Samantala, sa panayam ni Bubbles kay Allan Diones, na lumabas kahapon, October 28, sa Abante Tonite, ay itinanggi ng model turned actress na pinagtulungan nila si Jewel sa inauguration. Wala raw insidenteng ganun. Ngunit sinabi rin ni Bubbles na hindi siya magsasalita hangga't hindi magsasalita si Jewel, na nagpapahiwatig na may namagitan nga sa kanila.
THE FIAMMA INCIDENT. Pagkatapos ng inauguration ng GMA Network Studios, ayon sa kuwento ng isang Kapuso insider, tumuloy si Richard at ang grupo nito sa Fiamma bar, kung saan sila nag-after-party celebration.
Sa paglalarawan ng aming source, sa open area ng second floor ng Fiamma bar pumuwesto sina Richard. Marami pang taga-showbiz, kabilang ang ilang direktor at mga artista, ang nagsiratingan doon, at masayang nagkamustahan ang mga ito.
Matapos daw ang ilang sandali ay dumating din si Aljur, kasama ang co-star niya sa Dyesebel na si Marco Alcaraz. Ayon sa network insider pa rin, galing daw sina Aljur at Marco sa Chili's restaurant sa Tomas Morato, Quezon City. Nag-dinner sila roon kasama ng ilan pang Kapuso stars na nanggaling din sa inauguration rites.
May nakarinig kay Marco nang yayain niya si Aljur na pumunta sa Fiamma bar. Si Aljur naman daw ay nagsabing hindi pa siya nakakapunta sa Fiamma, na sinasabing "It place" ngayon. Di naglaon, nakita na nga ang dalawa sa Fiamma.
Pinabulaanan ng insider ang sinabi ni Richard na sa table niya umupo si Aljur "uninvited." Si Aljur daw ay nakiumpok sa katabing table nina Richard.
Sa puntong ito, isang source na naroon ang nagsabi sa PEP na napakasikip daw ng lugar at dikit-dikit ang mga mesa at tao, na uupo, tatayo, iinom, lilipat. At dahil malaki ang grupo ni Richard, sinabi nitong bagamat hindi niya napansin talaga, maaaring sakop nga rin ng mga Gutierrez ang katabing table na inupuan ni Aljur.
Sa pagpapatuloy ng kuwento ng insider, sinabi nito na habang nag-iinuman sa magkatabing mesa ay bigla raw tumayo si Richard. Lumapit ito kay Aljur. ‘Tapos, walang warning daw ay kinutusan diumano ni Richard si Aljur. Dalawang beses daw itong ginawa ni Richard.
Nagulat daw si Aljur at napatayo. Sabi ng insider, tiningnan daw ni Aljur sa mata si Richard, pero bago ito makapagsalita, tinanong siya nang pagalit ni Richard: "Sino ka? Ano'ng gusto mo? Babae? Lalake?"
Ang tanging naisagot daw ng nawindang na si Aljur ay: "Wala po, sir."
Ayon naman sa isang source na customer din doon, nakapagtanong pa si Aljur ng, "Ano ang problema mo?" Na sinagot naman daw ni Richard ng, "Ikaw, ano ang problema mo?"
Di naglaon, tumayo si Bubbles, na nasa table nina Richard, at niyakap si Richard. Kumbaga, sabi ng insider, maliksing inawat ng dalaga ang binata.
Nang mga sandaling iyon, nag-extend ng arm si Aljur at hinawakan ang likod ni Richard. Kumbaga, sabi ng insider, parang conciliatory gesture.
Ngunit sa puntong iyon, ayon pa rin sa insider, nag-walkout si Richard.
Nang nangyari ang insidente, naroon daw sina Raymond Gutierrez, JC de Vera, Michelle Madrigal, Rhian Ramos, at ilan pa.





