Ang pagkakapili kay Bea Alonzo ng ABS-CBN para gumanap ng title role sa I Love Betty La Fea ang maituturing niyang pinakamagandang nangyari sa kanyang career this year.
"Nung malaman kong ako ang gaganap na Betty, talagang sobrang natuwa ako, as in natulala talaga ako. Kaya ganun na lang ang pasasalamat ko sa ABS-CBN dahil sa akin nila ipinagkatiwang ibigay ang role na Betty," pahayag ni Bea nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa ELJ Building kagabi, October 28, sa solo presscon na binigay sa kanya ng Star Magic para sa kanyang kaarawan noong October 17.
Natutuwa si Bea sa mataas na rating na nakukuha ng kanyang show, kung saan katambal niya ang ka-love team na si John Lloyd Cruz.
"Yung kapatid ng assistant ko, 'pag may hindi raw nakakasagot sa klase nila, ang ginagawa ng teacher nila ay pinapag-Betty La Fea dance, bilang parusa. Nakakatuwa na maraming sumubaybay sa show namin. At sana ay patuloy nila itong suportahan," sambit ng young actress.
MOVIE WITH SAM. Visible ngayon sa telebisyon si Bea, pero matatapos na ang taon ay hindi pa rin siya napapanood sa pelikula ng kanyang mga tagahanga. Huli siyang napanood last year sa One More Chance (2007) na pinagtambalan nila ng ka-love team na si John Lloyd Cruz.
Wala ba siyang planong gumawa ng movie this year?
"May gagawin akong movie with Sam [Milby], yung And I love You So. Kanta
yun na sumikat yata nung ‘70s. Baka sa November 4 ay magsimula na
kami ng shooting. Nag-story conference na kami para sa movie. At ang pagkasabi
sa amin, baka yung movie ang magiging year-opener ng Star Cinema next
year. Sana nga yun na lang para pagbungad pa lang ng taon ay may movie na agad
ako," lahad ni Bea.
Sa pelikulang One More Chance ay nanalo bilang Best Actor (Enpress Golden Screen Awards) si John Lloyd Cruz. Pero si Bea, na nominado naman sa Best Actress category, ay hindi pinalad na manalo.
"Sa akin naman, gaya ng lagi kong sinasabi, kung ano man ang achievement ni Lloydie ay parang achievement ko na rin. So, kung nanalo siya, parang nanalo na rin ako. And masaya na rin naman ako kahit hindi ako nanalo dahil bahagi naman ako ng movie.
"And feeling ko, parang nanalo na rin talaga naman ako dahil sinasabi naman ng fans ko na magaling ako sa movie na yun. Siguro nagiging biased lang sila dahil fans ko sila! And to think na na-nominate rin naman ako, isang malaking karangalan na rin yun para sa akin," saad ni Bea.
BIRTHDAY GIRL. Noong October 17 ay 21st birthday ni Bea. Pero hindi siya nagkaroon ng malaking party. Sa isang beach somewhere in Batangas niya ipinagdiwang ang kanyang kaarawan sa piling ng kanyang pamilya at non-showbiz friends.
"Umalis kami ng Manila nung October 16, ‘tapos bumalik kami dito ng October 18. Mas pinili kong maging intimate na lang ang pagdiriwang ko ng birthday ko."
Si Shaina Magdayao ang best friend ni Bea. Nung mismong birthday ni Bea ay nagpunta si Shaina sa condo ng kaibigan para sorpresang batiin siya. "Kaso pagdating niya sa condo," kuwento ni Bea, "wala ako doon kasi nga nasa Batangas ako. Siya tuloy ang nasorpesa!
"Bale pangalawang beses niya na akong gustong sorpresahin. Last year, hindi niya rin ako naabutan sa condo ko nang pumunta rin siya nung birthday ko. Sabi ko nga sa kanya, mag-text muna siya sa akin bago siya pumunta sa condo ko!" natatawang kuwento ni Bea.
Ano ang pinaka-espesyal na regalong natanggap niya nung birthday niya?
"Siguro yung cake na bigay ng nanay ko," sagot ng birthday girl.
Binabalak na raw ni Bea na bumalik sa piling ng kanyang pamilya. Nahihirapan na raw kasi siyang tumira sa condo.
"Nahihirapan na kasi ako sa condo lifestyle kaya I'm considering the thought na lang sa pamilya ko. Minsan kasi ang tagal pa bago ako makaakyat sa condo ko. Kasi yung elevator, pinaglalaruan ng mga bata. Pinipindot nila yung mga numbers kaya panay ang hinto. Minsan inaabot ako ng 15 minutes bago ako makaakyat sa condo ko."
Si Jake Cuenca ang sinasabing boyfriend ngayon ni Bea, ano ang birthday gift nito sa kanya?
"Wala siyang gift sa akin," sabi ni Bea. "He texted me lang para bumati. And hindi na rin kami sobrang nag-uusap ngayon. At hindi ko naman siya boyfriend, although inamin ko naman na lumalabas kami before 'pag pareho kaming hindi busy."
JAKE-ROXANNE CONFRONTATION. Kamakailan ay napabalitang nagkaroon ng engkuwento si Jake Cuenca at ang ex-girlfriend nitong si Roxanne Guinoo sa Guam, kung saan ginanap ang show ng ASAP ‘08. Mainstay sa nasabing musical-variety show si Jake samantalang si Roxanne naman ay special guest.
Pagkatapos ng show ay nagkaroon ng cast party. At nang magkausap daw sina Roxanne at Jake ay hindi sila nagkaintindihan na umabot daw sa puntong sinaktan at binugbog diumano ni Jake si Roxanne.
Isa si Bea sa sinasabing dahilan ng pambubugbog ni Jake kay Roxanne. Aware ba si Bea sa isyung ito?
"Hindi ko alam na may nangyaring bugbugan. Nalaman ko na lang ang tungkol diyan pagbalik namin ng Pilipinas. Kung totoo mang may nangyaring bugbugan, wala na akong pakialam doon. At huwag naman sana akong isali sa isyu sa kanila. May sarili naman akong buhay," sabi ni Bea.
