"Ngayon, time na raw ito. Kaya paghusayan ko raw, at ako naman, pinaghuhusayan ko naman ang trabaho. Minsan natatakot pa rin ako na baka hindi ganoon ang pagtanggap sa akin. Negative thinker kasi ako minsan," says Dion Ignacio about playing the leading man of Yasmien Kurdi in Saan Darating ang Umaga?.

Photo: Noel Orsal

Isa si Dion Ignacio sa may malakas na dating sa unang batch ng StarStruck, ang reality-based star search ng GMA-7 na nagkaroon ng apat na batches. Pero hindi naging kasing-init ng career ni Mark Herras at maging ni Rainier Castillo ang career ni Dion. 

           

Pero mukhang this time, siya naman ang binibigyan ng pansin ng Kapuso network. Si Dion kasi ang bagong leading man ni Yasmien Kurdi sa TV remake ng Saan Darating Ang Umaga?, kung saan gagampanan niya ang dating role ni Raymond Lauchengco sa movie version. Si Yasmien ang gaganap sa dating role ni Maricel Soriano.

           

FOUR MONTHS WITHOUT A JOB. Sa pakikipag-usap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Dion sa press conference ng pinakabagong afternoon soap ng GMA-7 kagabi, November 3, hindi itinanggi ni Dion na naramdaman niya ang kawalan ng regular show sa mahigit apat na buwan.

           

"Pero kahit paano naman, nagkakaroon po ako ng guesting," sabi ni Dion. "Kapag wala akong trabaho, sa bahay lang ako. Tapos ano, tugtog, banda, nood ng sine... Tapos, pinapanood ko yung mga acting. Kasi, ayoko rin ng mabakante. Tapos, kapag nagkaroon ng trabaho, yung acting ko, nawawala, ayoko naman ng ganoon. Kumbaga, nanonood ako at pinanonood ko rin after yung mga ginawa ko."

           

Hindi ba siya na-depress o na-frustrate sa kawalan ng trabaho?

           

"Naramdaman ko yun," pag-amin ng binata. "Minsan nga, parang feeling ko, hindi na yata ako artista! Pero kapag lumalabas naman ako, napi-feel ko na artista pa rin ako. Yung mga tao sa akin, mainit pa rin."

           

Yung downside nga lang, pag-amin ni Dion, medyo nahirapan daw siya financially.

           

Lahad ni Dion, "Siyempre, four months din ako halos walang trabaho. So, medyo naubos din ang ipon ko. Bumili ako ng dalawang lupa, sa Marikina at saka sa Siniloan, Laguna. Yun ang naging investment ko. One hundred square meters yun, dalawa. Sa probinsiya at saka dito sa Marikina.

           

"So, yung ipon ko, medyo kumonti. Ako ang breadwinner sa amin. Ako ang nagbabayad ng tubig, kuryente, pagkain... Kahit nga load ng mga kaibigan at magulang ko, ako pa rin. Kaya magastos talaga. Siyempre, malungkot noon, pero wala akong magawa. Wala talaga, e. Kaya ngayong nagkaroon, grab ko na, at sinabi kong paghuhusayan ko."

           

Ayon kay Dion, nang ibigay ang role niya sa Saan Darating ang Umaga?, sinabihan siya ng GMA-7 na it's time na siya naman ang i-push.

           

"Actually, noon pa nga raw dapat, noong Maging Akin Ka Lamang. Pero sabi ko nga, baka hindi pa ako handa. Baka hindi mag-rate ang sa akin, nakakatakot, e. Ngayon, time na raw ito. Kaya paghusayan ko raw, at ako naman, pinaghuhusayan ko naman ang trabaho. Minsan natatakot pa rin ako na baka hindi ganoon ang pagtanggap sa akin. Negative thinker kasi ako minsan," pag-amin ng binata.

           

M.U. WITH YASMIEN. Hindi rin nakaligtas sina Dion at Yasmien Kurdi sa entertainment press. Silang dalawa kasi ang unang na-link romantically during their StarStruck days.

           

"Noon, gusto ko siya... Oo, gusto ko siya dati," pag-amin ni Dion.

           

Naging sila ba before?

           

"Parang ganoon, MU [mutual understanding]," sabi ni Dion. "Kaya lang, hindi raw puwede. May trabaho, e. At saka si Yasmien, seryoso ‘yan sa trabaho, e."

           

Dagdag niya, "Parang kahit hindi kami, nagkakaintindihan kami sa tingin pa lang. Kaya lang, nang magkahiwalay na kasi kami, sila na ni Rainier Castillo ang naging magka-love team, parang na-develop na sila. Pero dati pa, nagkukuwentuhan kami. Sabi ko nga sa kanya, sana tayo rin magka-partner."

           

So, how did he feel nang malaman niyang sila na ang magkapareha ngayon?

           

"Natuwa ako, kasi hindi ako mahihirapang kaeksena si Yasmien, e," sagot ni Dion. "Tapos, ang tagal ko pang hindi umakting! Apat na buwan akong walang trabaho kaya medyo malamig. Pero dito naman, basta in character ka, lalabas din yung acting. At saka si Yasmien, natutulungan din niya ako."

 

Kumusta naman ang pagtrabaho nila ni Yasmien? Nag-bonding ba sila agad at nag-reminisce sa StarStruck days nila?

 

"Medyo, nagkukuwentuhan kami no'ng dati ng StarStruck. Yung mommy niya raw, nami-miss daw ako. Natutuwa raw ang mommy niya kasi ako nga raw ang partner. Kasi close din kami ng mommy niya dati. Ngayon kasi, hindi na kami nagkikita ng mommy ni Yas," kuwento ni Dion.

 

Na-miss ba nila ang isa't isa?

           

"Oo naman! Sobrang ramdam!" pag-amin ni Dion. "At saka excited siya. Sinabi niyang, ‘Alam mo ba, sobrang na-excite ako nang malaman kong ikaw ang ka-partner ko?'"

           

Pero bakit hindi niya itinuloy yung feelings na meron siya kay Yasmien before?

           

"Wala, e, biglang nawala. Tapos, parang biglang parang magkakapatid na lang siguro tayo rito."

           

Posible ba na matuloy ngayon yung dati niyang feelings for Yasmien?

           

"Posible yun," sagot ni Dion. "Di ba, nade-develop naman talaga tayo? Minsan din sa eksena, nakaka-develop din yun, e."

           

May possibility ba na ligawan niya si Yasmien?

           

"Siguro, 60 percent, hindi pa. Parang ang nararamdaman ko sa kanya, kapatid, kaibigan. Ayoko namang dayain at sabihin ko na ganito. Pero kapag may taping, uuwi ako, parang naiisip ko rin siya, e. Magaling kasing umarte ‘yan, nakakadala rin. Kaya kapag nasa bahay ako, naiisip ko rin ‘yan," saad ng binata.

           

Ano ang nakita niyang mga pagbabago ngayon kay Yasmien?

           

"Nag-mature," sagot ni Dion. "Yung katawan niya, sumeksi rin... Tapos, sobrang professional sa trabaho itong si Yasmien. Minsan nagpapatulong ako sa kanya kapag nasa set, mga atake. Sobrang seryoso siya sa trabaho niya ngayon. Yun ang nakikita ko sa kanya."

           

Nagkukuwento ba si Yasmien sa kanya, gaya ng kapag nadi-depress ang dalaga?

           

"Naku, wala nga yun, e. Dito ko nga lang narinig sa press con na depressed. Si Yasmien naman, sa taping, tahimik lang. Kapag natapos na naming basahin ang lines namin... May dala kasi akong gitara rito. Banda talaga ako. Kaya medyo malapit din sa akin yun, kasi may banda rin ako at music lover din ako."

 

NUDE SCENE. Speaking of gitara, may isang eksena sa trailer ng Saan Darating Ang Umaga? na tumatakbong nakahubad si Dion at ang nakatakip lang sa kanyang harapan ay gitara. Senyales na ba ito na magpapaseksi na nga siyang talaga? 

           

"Ewan ko, hindi ko rin masabi," sagot niya.  "Mamaya sabihin kong hindi ako handa, sabay may trabahong ganoon, e, di nagsinungaling ako sa inyo. Siguro mga ganoon muna, yung mga kaya ko pa lang.

           

"Yung tumakbo akong nakahubad, may eksena lang talagang ganoon kaya hindi na ako umangal. At saka tatagal [pag hindi ko ginawa]. At saka nakakahiya kay Direk Maryo J de los Reyes." 

           

Marami raw inabot na takes ang naturang eksena, pero hindi naman daw dahil sa mali ang ipinapakita niya kundi iba't ibang anggulo ng eksena ang kinunan.

           

Hindi ba nailang si Dion sa naturang eksena?

           

"Medyo nailang, pero ginamit ko na lang ang pagkailang sa acting.  Siyempre, nakahubo ka, so kailangan medyo mailang ka at nagamit ko naman yun," sabi ni Dion.

           

Nakita ba ni Yasmien ang eksenang ‘yon?

           

"Oo, pero hindi ako nahihiya kay Yasmien!" natatawang sabi ni Dion. "Actually, okey naman ang eksena. Natuwa rin ako nang makita ko ang preview."