Kapansin-pansin na nang ma-interview via phonepatch ng Startalk host na si Butch Francisco si Karylle, nakasentro lang ang lahat ng katanungan sa kumpirmadong pagkanta niya sa laban ni Manny Pacquiao kay Oscar dela Hoya sa December 6 sa Las Vegas.
Kinumusta ng Startalk ang paghahandang ginagawa ni Karylle para rito.
"Well, siyempre, unang-una, I mean, nagle-lesson ako. Matagal na ‘kong nagle-lesson. At saka, dati, nag-audition ako for him. Baka sakali, kuhanin niya ‘ko, so, nagpi-prepare na rin ako. Medyo matagal na ‘kong nagpi-prepare.
"Starting next week, magle-lesson ulit ako, magpo-focus ako sa Pambansang Awit."
Dugtong pa niya, "Siyempre nagpagawa na rin ako ng gown, kay Albert Figueras [fashion designer] na kaibigan ni Tita Geleen Eugenio. Siyempre, gusto kong magpasalamat kay Tita Geleen dahil tinulungan niya ‘ko at sobrang dream ko talaga ito."
Ano ba ang itsura ng gown?
"Ano siya, yung traditional na Filipiniana, na may touch na modern kasi, maraming flower, very girlie. Hindi ko alam kung paano i-describe. Siyempre, kailangang gumamit ng mga native na products dahil siyempre, kailangang proud na proud tayo dahil Filipino tayo."
Kuwento pa ni Karylle, bago pa man daw ang actual na araw ng laban ni Manny ay aalis siya agad papuntang Las Vegas para makasama rin ng matagal ang kanyang mga relatives sa panig ng mommy niyang si Zsa Zsa Padilla.
"Pretty soon, lilipad na rin ako. Kasi, nandoon lahat ng family ko. Nandoon ang lolo ko [legendary boxing referee Sonny Padilla] at siyempre, siya ang pinaka-excited. Alam mo naman, referee yun, at ni-referee niya si Manny, baguhan pa lang si Manny. At dati pa, maraming magandang sinasabi ang lolo ko kay Manny.
"And I'm excited singing there kasi, kahit paano, boksingero ang mga lolo ko rin, I mean, my great grandparents. Alam mo yun...kahit paano, kahit hindi nagboboksing, nandoon pa rin ako sa ring."
Nagpasalamat din si Karylle sa ilang taong dahilan ng pagkanta niya ng "Lupang Hinirang."
"Siyempre, kay Sir Manny na todo-ensanyo ngayon. Kay Sir Eric Pineda at saka, si Wilson Tieng ng Solar Films. At kay Ma'am Wilma Galvante...alam mo, binigyan niya ‘ko ng mga tips. Tungkol sa pagkanta ko at kung ano yung mga kailangan kong alalahanin."
Ayon kay Butch, musician din naman daw kasi ang executive ng GMA na si Ms. Wilma Galvante at tumutugtog ito ng flute.
A MERRY CHRISTMAS? Sa huli, humirit ng isang tanong si Butch na obviously, not related anymore sa pagkanta niya ng "Lupang Hinirang." Pasakalye ni Butch, malapit na raw ang Christmas, magiging masaya raw ba ang Pasko ni Karylle?
"Oo naman!" na tila masaya naman talaga ang tono ng boses nito dahil natatawa-tawa pa sa huling katanungan ni Butch.





