Pang-apat na show nang magkasama nina Aljur Abrenica at Kris Bernal ang telefantasyang Luna Mystika ng GMA-7. Ang unang tatlo ay ang mga sumusunod: Boys Nxt Door, Zaido, at Dyesebel.
"Masaya ako dahil parang may tiwala ang network sa amin ni Aljur," masayang bungad ni Kris sa panayam sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal). "Hopefully, dumating sa point na pupuwede kaming magdala ng sarili naming teleserye. Napapag-usapan namin minsan ni Aljur 'yan, na sana, kami na nga ang bida. Kung mangyari man 'yan, matagal pa siguro. Masaya naman kami sa nangyayari. Hindi kami natetengga nang matagal."
Naitanong namin kay Kris, dahil nga sa closeness nila ni Aljur, ano ang masasabi niya sa sitwasyong kinasasangkutan ng ka-loveteam niya?
"Ay! Yung sa kanilang dalawa ni Jewel [Mische], hindi ko binigyan ng malisya yun. During the inauguration [of the new GMA building], nakita ko kasi sila. But not actually doon sa [Fiamma bar], doon lang sa mismong party. Wala ako noon sa bar, e.
"Magkakasama kami doon, at wala naman akong nakitang special treatment. Well, kaming dalawa ni Aljur, na-miss lang talaga namin si Jewel. Kami ni Aljur, halos araw-araw, magkasama na kami. Noong gabing yun lang namin nakita uli si Jewel," kuwento ng young actress.
Magkaka-batch sa StarStruck 4 sina Kris, Aljur, at Jewel.
Tungkol naman sa nabalitang kumprontasyon nina Aljur at Richard Gutierrez, sinabi ni Kris na hindi nila napag-uuspaan ang bagay na ito.
"Ayoko nang tanungin pa kay Aljur kung ano yung problemang yun," sabi ni Kris. "Basta ang advice ko lang sa kanya, kung ano yung sa palagay niya ay tama, yun ang gawin niya.
"Nararamdaman ko kay Aljur na tama ang ginagawa niya. Alam kong walang kasalanan si Aljur. Pero hindi ko sinasabing kasalanan ni Richard, ha. Pero sa pagkakakilala ko kay Aljur, mabait siya," diin ng dalaga.
Gusto lang idiin ni Kris na wala siyang anumang masasabi against Richard.
"Supportive lang talaga ako sa ka-loveteam ko," sabi ni Kris. "Mas kilala ko kasi si Aljur kaysa kay Richard, kaya siguro nasabi ko yun. Siyempre, doon ako sa ka-loveteam ko, 'no!"




