Muling nabuksan ang isyu sa pagitan nina Toni Gonzaga at Alessandra de Rossi nang minsang magtagpo ang kanilang landas sa studio ng Wowowee. Kasagsagan noon ng promo ng My Only U, ang pelikula ng Star Cinema, starring Toni and Vhong Navarro. Guest co-host si Alessandra sa Wowowee noong araw na 'yon.
Sa video na ipinakita ng The Buzz noong November 2, parang umiwas daw si Toni nang magkita sila ni Alex. Dito ay inakala tuloy ng marami na mukhang hindi pa handa si Toni na tuldukan nang tuluyan kung anuman ang hindi nila pagkakaintindihan dati ni Alex.
Nagsimula kasi ang alitan sa pagitan nila nang ma-link si Toni sa boyfriend noon ni Alex na si Jeremy Marquez. Nasa GMA-7 pa noon si Alex, pero ngayon ay magkasama na sila ni Toni sa ABS-CBN.
Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Toni sa ABS CBN compound, pinabulaanan niya na may isnabang nangyari sa kanila ni Alex.
Ayon sa kanya, "Dalawang bagay na lang ang masasabi ko diyan kasi ang tagal na niyan: It's over and done and let's all move on. Hindi totoong hindi kami nagpansinan o I snubbed her. Nagbatian kami, nilagyan lang ng kulay ng ibang tao. Hayaan na natin ‘yan, tapos na ‘yan, matagal na."
Dagdag ni Toni, wala siyang kahit kaunting pagkailang na naramdaman nang magkita sila ni Alex.
"Maiilang ka lang pag may kasalanan ka o nagsinungaling ka. Okey na okey ako kahit sino ang makita ko. Hindi ka dapat mapikon dahil pag napikon ka, talo ka. Nasa showbiz tayo, you should know how to play the game also. They want to play it that way, ako, I'd rather stay in the bench, uupo na lang ako," ani Toni.
Sinabi rin ni Toni, matagal nang naputol ang komunikasyon nila ni Jeremy. Kung may mga nakakausap man siya sa Kapuso network, ito ay ang ilan sa mga dating kasamahan niya sa Eat Bulaga!
"Simula nang lumipat ako [sa ABS-CBN], wala na akong communication sa iba kundi sa mga taga-Eat Bulaga! na lang—sina Paolo [Ballesteros], Ate Ruby [Rodriguez]... Si Tita Malou [Choa-Fagar, TAPE executive], dati ka-text ko pa. Pero nitong huli, bago na siguro ang number niya tapos nagbago na rin ako ng number. Kasi nasira yung dati kong phone at marami akong nawalang contacts," saad ni Toni.
Kasalukuyan pa ring palabas sa ilang sinehan ang pelikula ni Toni, kasama si Vhong Navarro, ang My Only U ng Star Cinema.
