Naging kontrobersiyal bigla ang aktor na si Jason Abalos sa presscon na ibinigay ng Star Magic kahapon, November 24, sa 14th floor ng ELJ Building para sa artists nilang kasama sa afternoon series na Pieta. May isyu kasing dapat sagutin si Jason at ito ay ang nasulat na paglipat daw niya sa Kapuso network from the Kapamilya network.
Pero ayon kay Jason, wala raw itong katotohanan.
"Hindi totoo yun," diin niya. "Ako naman, basta may trabaho, doon ako. May trabaho naman ako dito at hindi naman ako pinapabayaan ng ABS."
So, bakit may ganoong balitang lumabas?
"Hindi ko po alam kay Jobert Sucaldito!" natatawa niyang sabi. "Siya po kasi ang nagsulat. Siguro po, baka dahil close po ako kay Noel Ferrer, yung manager po ni Ryan Agoncillo. Siya naman po, tumutulong lang po talaga nang walang kapalit. Ang sarap lang po kasi ng ganoon na tumutulong sila nang walang kapalit, sila nina Ryan, Judy Ann Santos. Gusto lang talaga nilang tumulong.
Dagdag niya, "Para sa akin, very thankful ako na may mga ganoong tao sa paligid ko na handa akong tulungan. "
Pero may offer ba sa kanya?
"Wala, wala namang offer from GMA. Wala naman," tanggi ni Jason.
Sa puntong yun, sinabi namin kay Jason na noon pa man ay may nakapagsabi na sa amin na pinag-iisipan na nga raw niyang lumipat ng TV network.
"Wala," giit ni Jason. "May sinasabi si Sir Noel na parang, sige, gusto lang na may mangyari sa career ko. ‘Na kung walang ibibigay na project sa ‘yo, sige. Pero kung meron man, kung inaalagaan ka naman nila, diyan ka na lang.' Parang sila naman, handa lang silang tumulong kung sakali at walang mangyayari sa akin dito."
Bukod sa pagiging manager ni Ryan, konektado rin si Noel sa GMA Films.
Masaya ba si Jason bilang Kapamilya?
"Oo, masaya naman ako," sagot niya. "Kahit paano, hindi naman ako nababakante sa ABS. Kahit paano, dito pa rin ako nagsimula. Parang dito nabuo yung pangalan ko talaga."
Si Jason ay produkto ng second batch ng Star Circle Quest, ang artista search ng ABS-CBN.
Ayon kay Jason, wala raw talaga siyang alam kung bakit biglang nagkaroon ng isyu ng lipatan sa kanya. Nilinaw rin niyang wala itong koneksiyon ang matagal na hindi pagka-ere ng Eva Fonda at wala rin daw koneksiyon sa ibang trabaho niya.
Nalaman lang din daw niyang may isyu pala pagdating niya kahapon sa press conference ng Star Magic. Nilapitan siya ng PR head ng Star Magic na si Rikka Dylim aat tinanong tungkol sa isyu.
"Kahit kasi ako, nagulat ako," sabi ni Jason. "Hindi ko alam na may lumabas pala noong Sabado. Sinabi lang niya [Rikka] sa akin na, ‘O, alam mo ba ang isyu sa ‘yo?' So, sabi ko, ‘Ano?' ‘Lilipat ka raw.' Nagulat ako, kasi, wala talaga kong ideya. Ang alam ko lang, nagtatrabaho lang ako rito."
Mananatili ba siyang loyal bilang Kapamilya?
