Naging matagumpay ang ginanap na celebrity bazaar and auction para sa Ploning kahapon, Nobyembre 28, sa Plaza Ibarra sa may Timog Avenue, Quezon City.
Dininig ng ilang fans at supporters ang panawagan nina Judy Ann Santos at Direk Dante Nico Garcia sa Unang Hirit tungkol sa kanilang fundraising event para sa Pilipinas entry sa Best Foreign Language Film category sa 2009 Oscar Awards.
Sa halagang P100, nagkaroon ng pagkakataong mamili ang mga fans ng mga personal na damit at iba pang gamit ng kanilang paboritong artista. Samantala, sa halagang P250 naman ay may pagkakataon silang makipagsubastahan para sa mga mamahalin at collector's items na bag, damit, relo, at iba pang gamit ng mga local celebrities.
"This is through the efforts of Juday, Ogie [Alcasid], and Regine [Velasquez], and a lot of friends. Basically, sila Regine at Ogie ang tumulong sa amin to collect all the items," paliwanag ni Direk Dante o mas kilala bilang Direk Ga.
Ayon kay Direk Ga, maraming artista ang bukas-palad na tumulong sa kanila sa pamamagitan ng pagbahagi ng kanilang mga gamit para maibenta. "Masaya itong event na ito kasi walang Kapamilya, Kapuso demarcation line. So, exciting!"
Ilan sa mga gamit na talagang inabangan at naisubasta sa malaking halaga ay ang mga signature bags mula kina Dra. Vicki Belo, Regine Velasquez, Ai-Ai delas Alas, at Juday. Mayroon ding mga mamahaling relo mula kina Dingdong Dantes, Toni Gonzaga, at sa asawa ng aktres na si Beth Tamayo na si Johnny Wong.
Naging interesado rin ang ilan sa mga gamit na jacket nina Ogie Alcsid at Dingdong. Gayundin ang mga damit at gowns nina Judy Ann, Regine, Kris Aquino, Gretchen Barretto, at Marian Rivera.
Sa bazaar, ipinagbili rin ang coffetable book ng Ploning na ginawa ng boyfriend ni Judy Ann, ang actor-photographer na si Ryan Agoncillo.
HELP PLONING RAISE FUNDS FOR OSCARS. Ayon kay Direk Ga, nais nilang makaipon ng sapat na pera upang magpagawa ng mga kinakailangang publicity materials para makilala ang pelikulang Ploning sa Los Angeles, California, kung saan gaganapin ang Oscars sa February 2009.
Paliwanag niya, "Ang target namin na amount na ma-raise is five million pa rin to be able to send people to the Oscars para mangampanya, additional prints, website, bayad ng publicists, screening hours na rental ng mga theaters.
"At saka kung lalagpas ang pera, a dinner to the people of Palm Spring Film Festival na pupuntahan namin at huling hihiritan bago mag-Oscars, huling festival na ginaganap sa California bago mag-Oscars. At doon nanonood ang lahat ng mga for consideration na pelikula. So we want to have a party for them na somehow bahagi ng kampanya talaga. Partly doon, we want to raise more money din to be able to screen the film for a week sa L.A., sa isang legit na theater para puwede pa kaming ma-consider sa iba pang category."
Sa ngayon, isa ang Ploning sa mahigit 60 na kalahok na pelikula mula sa iba't ibang bansa na nais makapasok sa limang magiging official nominees para sa Best Foreign Language Film category ng Oscars, na itinuturing na pinakaprestihiyosong award-giving body sa Hollywood.
Samantala, nagpaliwanag din ang kilalang makeup artist na si Fanny Serrano, na tumulong din sa event, sa mga taong dumalo sa auction bago ito magsimula.
Aniya, "Sa showbiz, malaking karangalan po sa Philippine movie industry ang makilala ang pelikulang Pilipino. Isa pong kahanga-hangang pelikula [ang Ploning] na nagkataon po na ang nakagawa pa ay ang tinatawag nating independent group. Hindi naman po ito iimbitahan sa Oscars kung hindi talaga maipagmamalaki."
Kasunod nito ay nanawagan siya sa mga tao na suportahan ang kampanya ng Ploning.






