Sa nakaraang 22nd Star Awards for TV last November 30 ay nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang TV host at eventologist na si Tim Yap. Nanalo ang show nila sa QTV 11, ang Living It Up, as Best Lifestyle Show. Sila rin ng mga kasama niyang sina Raymond Gutierrez, Sam Oh, at Issa Litton ang nanalong Best Lifestyle Show Hosts.
"Kung dati hindi namin nare-realize na magkakasama kami linggo-linggo working, now it becomes more meaningful. Masarap yung feeling at lalong lumalim ang pagnanasa ko na pagbutihan pa lalo ang trabaho ko. Dati para sa akin laro lang ang hosting pero sa magagandang nangyyari sa akin, na-realize ko na seryoso ito. This is something very empowering and I want to thank PMPC for the recognition," bungad ni Tim.
ELY-RAIMUND PICTORIAL. Nagsilbing mediator si Tim Yap noon para tuldukan ang away sa pagitan nina Ruffa Gutierrez at Claudine Trillo at nina Joey de Leon at Willie Revillame.
Kamakailan naman ay napagsama niya sa isang pictorial ang dating magkabanda sa Eraserheads na sina Ely Buendia at Raimund Marasigan, na naging daan din upang tuluyan nang magkabati ang dalawa. Agad na ipinakuwento ng PEP kay Tim kung paano niya napagsama at napagbati sina Ely at Raimund.
Kuwento ni Tim, "May NU Rock Awards, isang samahan ng mga tao na nasa rock industry. So, gumawa kami ng shoot para sa Philippine STAR Supreme para magsama-sama lahat ng rock bosses. Nangyari ang shoot sa Embassy.
"Nagpipilian kami ng damit, ‘O, ito ang suutin mo, o pili na kayo ng damit.' I asked Ely, ‘Sa tingin mo ano ang kay Raymund? Ikaw, Raimund, ano ang bagay kay Ely?' Pagkatapos nun, nag-usap na sila, nagkabati, tuluy-tuloy na. Ang sabi nga nila sa akin, walong taon na raw silang hindi nagkasama, nagkausap. Being professional and respectful musicians, naayos ang gulo."
Dagdag niya, "Dapat nga sa shoot kasama rin sina Bamboo and Rico Blanco, kaya lang hindi sila pumuwede. Hindi ko sinasadya ito, nagkataon lang na pag may ginawa akong concept, gusto ko talagang matuloy."
PEPPER-SPRAY INCIDENT. Sinasabing si Tim ang "ambassador of goodwill" dahil sa pag-mediate niya sa mga dating magkakaaway, pero tila hindi naman matapus-tapos ang kontrobersiya sa Embassy bar, na isa siya sa mga may-ari.
Dito sa PEP lumabas ang detalyadong report tungkol sa "pepper-spray incident," kung saan kasangkot ang ilang socialites. Dawit din sa isyung ito ang showbiz personalities na sina Angelu de Leon at Maricar de Mesa, na naging saksi sa pangyayari. (CLICK here to read related story.)
Ayon kay Tim, "clueless" pa rin siya hanggang ngayon sa totoong nangyari. Pero aalamin niya raw ang nasabing away at pag-aayusin ang mga taong involved.
"It's a private party, it's a non-club night," paglilinaw ni Tim. "Hindi pa kasi kami nakakapag-usap ni Angelu. Hindi ko alam ang nangyari at kung ano ang nakita niya, kasi wala ako nung mangyari yun. Aalamin ko ito. Ang gagawin ko is I'll confirm with both parties.
"Of course, tutulungan kong pag-ayusin ang mga taong involved. Alam mo ang tao, iba-iba ang pride, iba-iba ang ego. Pero nakukuha ‘yan sa panahon, nakukuha sa pagkabuti ng puso. Sana yung mga party involved, buo ang kalooban nila para sa pagbabati," saad niya.
Ano naman ang masasabi ni Tim sa bansag sa kanya bilang "peacemaker"?
Aniya, "Alam mo, hindi ko sinadyang maging peacemaker, ganun talaga ang pagkatao ko. And gusto ko lang sana lahat ng tao magkasama-sama at magkaayos. Kung ang tingin nila sa akin is peacemaker, salamat. Ang gusto ko lang naman ay makagawa ng mabuti."
