"Basta ang unforgettable sa akin ay yung panaginip ko. Ang balik nga niya sa akin sa reply niya, ang alam daw niya, pag ang tao ay laging napapaginipan ng ibang tao, mamamatay na," recalls Glaiza de Castro about one of her conversations with former screen partner Marky Cielo.

Photo: Noel Orsal

Unang gabi ng lamay ng namayapang young actor na si Marky Cielo ay nagpunta na agad ang PEP (Philippine Entertainment Portal) sa Antipolo. Inabutan namin ang maraming fans na nasa harap ng St. Peter Memorial Chapel, malapit sa Antipolo Church, na nag-aabang ng masisilayang mga artistang magbibigay ng last respects kay Marky.

 

Pagpanhik pa lang namin sa second floor, nakasalubong na namin ang ilang mga kaibigang nagmamahal sa StarStruck 3 Ultimate Sole Survivor, kabilang na si Glaiza de Castro.

 

Si Glaiza ang isa sa pinakamalapit kay Marky dahil naging magka-love team sila sa ilang programa ng GMA-7, kagaya ng Fantastikids, Boys Nxt Door, Kaputol ng Isang Awit, at Asian Treasures. Kaya hindi mapapasubaliang naging close ang dalawa.

 

"Hindi ko talaga akalaing mangyayari ito!" simula ni Glaiza, na obvious na nasa state of shock at denial pa. "Ang totoo niyan, nasa shooting ako ngayon sa The Fort ng Rock En Roll [kasama si Jason Abalos at Diether Ocampo, directed by Quark Henares], nagpaalam lang ako kay Direk.

 

Nagpaunlak ng panayam si Glaiza sa PEP (Philippine Entertainment Portal).

 

"Nung una kasi, ang sabi, dadalhin agad ang bangkay ni Marky sa Mountain Province bukas, kaya kahit nasa kalagitnaan kami ng shooting, pumunta ako dito sa Antipolo. Yun pala, baka daw mag-stay muna dito ng two days at malamang sa Wednesday [na dalhin], yun yata ang plano ng family."

 

Sa kuwento ni Glaiza, tipong may pagpaparamdam na magpapaalam na sa mundo si Marky.

 

"Grabe, parang may pagpaparamdam na siya lately sa akin, pero dinedma ko lang talaga. Alam n'yo po bang napaniginipan ko siya? Ang panaginip ko, silang dalawa ni Rich [Asuncion, StarStruck 4 First Princess] parang tinutukso-tukso ko, magkasama sila sa kotse.

 

"Ka-text ko pa si Marky kahapon [December 6] at yun nga, tinext ko na napanaginipan ko sila ni Rich. May guesting ako noon sa Eat Bulaga!, at kasama ko pa si Rich that time. Kaya tawa ako nang tawa sa kuwento ko, tumatawa rin lang si Rich.

 

"Tapos, ang text back sa akin ni Marky, marami raw siyang naririnig na napapaginipan din siya. Ang sabi niya, 'Bakit kaya maraming nagsasabing napaginipan nila ako, mamamatay na kaya ako?' Na talagang ngayon ko lang naalala yung sinabi niyang yun, kaya kinilabutan ako!

 

"Hindi naman kasi siya ganyan, e. Napakabait na tao niyan. Sobrang close kami dahil halos lahat nga ng TV shows ko, kasama ko siya," malungkot na lahad ni Glaiza.

 

Feeling ba ni Glaiza ay pangitain yun na magpapaalam na nga si Marky?

 

"Ewan ko ba talaga, ang weird talaga ng feeling," sabi niya. "Hanggang ngayon, hindi pa rin nagsi-sink in sa akin ang mga nangyayaring ito ngayon. Kaya ko nalaman, sunud-sunod ang mga tawag nina Alchris [Galura, Glaiza's brother], Chino [Sarenas, her road manager], at Direk Manny [Valera, his business manager]. Kaya talagang nataranta ako. Nataranta kaming lahat!"     

 

Gaano ba niya kakilala si Marky? May usap-usapan kasi na hindi bangungot ang sanhi ng pagkamatay ng young actor kundi, ayon sa ilang unconfirmed reports and sources, ay suicide daw sa hindi malamang kadahilanan.

 

"Hindi ko talaga alam," sagot ni Glaiza. "Gosh, huwag naman, hindi naman siguro! Pero kasi, ang masasabi ko lang kay Marky, napakabait na tao niyan, mabuting kaibigan, very professional sa set. Hindi mo 'yan makikitaan ng problematic siya. Pero sa pagkakakilala ko rin sa kanya, hindi siya open, e. Very rare siyang magse-share ng personal problems niya or what. More on trabaho ang mga pinag-uusapan namin."

 

Pero may nasabi raw si Marky kay Glaiza na naaalala niyang maaaring may matinding laman o kahulugan.

 

"Very rare na nasabi niya sa akin na, 'Pag maraming problema ang isang tao, mamamatay siya.' Pero hindi ko na matandaan kung ano ang topic of conversation namin nang nasabi niya yun sa akin. Hindi ko talaga sineryoso yun, e. Malay ba naman natin, di ba?

 

"Basta ang unforgettable sa akin ay yung panaginip ko. Ang balik nga niya sa akin sa reply niya, ang alam daw niya, pag ang tao ay laging napapaginipan ng ibang tao, mamamatay na," nakakakilabot na kuwento ni Glaiza.

 

Ayon kay Glaiza, huli raw silang nagkasama ni Marky sa taping ng All Star K.

 

"Mga last week of October namin tineyp yun. Tapos, kahapon nga lang, ka-text ko siya. Pero eto, at iniwan na niya tayo!" naluluhang sabi ni Glaiza.

 

Nakaburol ang mga labi ni Marky sa kanilang tahanan sa Mission Hills sa Antipolo City. Sa Miyerkules, December 10, ay dadalhin ang kanyang bangkay sa Mountain Province, kung ihahatid siya sa kanyang huling hantungan.